Home NATIONWIDE Mas mahigpit na parusa vs red-taggers inihirit ng Kabataan solon

Mas mahigpit na parusa vs red-taggers inihirit ng Kabataan solon

MANILA, Philippines — Inihihirit ng isang mambabatas ng Kamara ang isang tiyak na sistema para parusahan ang mga red-tagger.

Ang aksyon na ito ay matapos na patawan si dating Presidential Communications Operations Office undersecretary Lorraine Badoy ng parusang indirect contempt ng Supreme Court (SC) para sa pag-uugnay ng isang hukom sa Maynila sa mga rebeldeng komunista.

Bunsod nito, sinabi ni Kabataan party-list Representative Raoul Manuel na dapat parusahan ang red-tagging dahil nagdudulot ito ng pinsala sa mga taong maaaring inosente, ngunit nauugnay sa mga kilusang komunista.

“Ang aral na matututuhan natin sa desisyon ng korte ay una, ang red-tagging ay talagang naglalagay ng panganib sa mga tao,” sabi ni Manuel sa isang press briefing sa House of Representatives.

“Kung babasahin natin ang buong teksto ng desisyon, ang red-tagging ay nakakapinsala at nag-uudyok ng karahasan. Ang red-tagging ay hindi makatwiran, at ang red-tagging ay pumapatay,” babala niya.

“Dapat managot ang mga red-tagger dahil nagdudulot sila ng panganib sa publiko sa pamamagitan ng retorika na kanilang itinataguyod,” sabi ng mambabatas.

“Even the former vice president, VP Leni, and now, even the House Speaker – Speaker Romualdez – was red-taged by Jeffrey Celiz,” banggit pa niya.

Si Celiz ay isang nagpakilalang dating rebelde na dating nagho-host ng programang ‘Laban Kasama ang Bayan’ sa Sonshine Media Network International (SMNI).

Hinatulang guilty ng SC si Badoy ng indirect contempt para sa red-tagging ni Manila Regional Trial Court Judge Marlo Magdoza-Malagar.

Inutusan si Badoy na magbayad ng multang P30,000.

Binalaan din siya laban sa pag-uulit ng parehong mga gawa sa hinaharap.

Previous articlePabrika ng armas sa Marikina tinupok ng apoy
Next articleUnang ginto nasungkit ng Pinas sa Asian Age Group Championship