Home NATIONWIDE Mas malalim na imbestigasyon sa troll farms ng China ipinakakasa; PR firm...

Mas malalim na imbestigasyon sa troll farms ng China ipinakakasa; PR firm mananagot

MANILA, Philippines- Lumakas ang panawagan nitong Martes na papanagutin ang isang Makati-based public relation firm na lumikha ng troll farm para sa China kaya ipinakakasa ang mas malalim na imbestigasyon.

Sa magkahiwalay na pahayag, sinabi nina Senador Sherwin Gatchalian at Francis Tolentino, kailangang magkaroon ng mas malalim na imbestigasyon sa InfinitUs Marketing Solutions I(nc, (IMSI) na hinihinalang binabayaran ng Chinese embassy upang magtayo ng troll farms.

Hinimok ni Gatchalian an National Bureau of Investigation, Department of Justice at National Security Council na magsagawa ng full-scale sa activities ng InfinitUs Marketing Solutions, Inc. (IMSI).

“If proven true, those involved should be prosecuted to the fullest extent of the law, including charges of treason and other serious criminal offenses,” ayon kay Gatchalian sa news release.

“Panagutin at kasuhan ang mga nagpapakalat ng kasinungalingan at kabaluktutan para sa pansariling interes at layuning sirain ang bansa,” dagdag niya.

Kasunod ito sa ibinulgar ni Tolentino pagkatapos ng pagdinig sa Senado nitong Lunes na masyadong malabnaw ang pagtanggi ng IMSI matapos itong pakitaan ng bagong dokumento na nagbibigay detalye sa ginagawang social media operations ng Chinese embassy.

Ayon kay Tolentino, isang Chinese-language document na naglalaman ng P930,000 agreement para sa “project publicity guidance,” na tumugma sa halaga ng tseke mula sa embahada na may petsang Sept. 11, 2023.

Pinatotohanan ni Paul “Pin” Li, co-founder ng IMSI, ang authenticity ng tseke pero ginamit ito sa pagbili ng Covid-19 supplies, na binasag ni Tolentino dahil naideklarang tapos na ang pandemya noong 2022.

Binatikos din ni Tolentino ang pagliban ni Myka Poynton, co-founder ng IMSI at biglang nagkasakit naman ang isa pang kasosoyo na si Christine Li na ginagamot sa kanser,

Sinabi pa ni Tolentino na nananatiling aktibo ang operasyon ng troll farms base sa recruitment notice na nakapaskil sa Makati office ng IMSI na kumakalap ng TikTok users na may mahigit 200 followers, na kinumpirma ni Li na totoo.

Ipinakita rin sa pagdinig ang ilang travel records na nagpapatunay na nagkaroon ng maramihang pagbisita ang mga opisyal ng IMSI sa China, na iginigiit naman ni Li na pawang personal. Ernie Reyes