Home NATIONWIDE Mas malawak, mas malapit na serbisyong pangkalusugan sa bawat Pinoy, ipagpapatuloy ni...

Mas malawak, mas malapit na serbisyong pangkalusugan sa bawat Pinoy, ipagpapatuloy ni PBBM

153
0

MANILA, Philippines – Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatuloy ang trabaho ng buong puwersa ng pamahalaan upang mas lalo pang mapabuti, mapalawak at mapalapit ang mga serbisyong naglalayong bantayan ang kalusugan ng mamamayang Pilipino.

Sa naging pagbisita nito sa Cebu Provincial Hospital-Balamban, araw ng Huwebes, Enero 15, personal na ipaabot ng Pangulo ang limang milyong pisong tulong pinansiyal para sa pagpapabuti ng mga pasilidad ng ospital.

Kasama rin dito ang 20 wheelchair at mga gamot.

Namahagi rin si Pangulong Marcos ng tig-iisang x-ray machine at portable ultrasound para sa Cebu Provincial Hospital-Danao City, Cebu Provincial Hospital-Bogo City, Daanbantayan District Hospital, at Juan B. Dosado Memorial Hospital.

“Malapit sa puso ni Pangulong Marcos Jr. ang mga Cebuano kaya naman ilulunsad ng Pangulo ang Guaranteed and Accessible Medications for Out-patient Treatment o GAMOT Program upang mas mapalawak ang access ng mga Cebuano sa mga kinakailangang medisina,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Sa ilalim ng 2026 budget, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na naglaan ang pamahalaan ng P17.39 bilyong piso para sa pagpapatupad ng zero balance billing sa mga DOH hospitals at mga local government hospitals. Kasalukuyan nang hinahanda ng Department of Health ang guidelines upang matukoy ang mga kuwalipikadong LGU hospitals alinsunod sa General Appropriations Act of 2026.

Papalawigin din ang Bagong Urgent Care and Ambulatory Services o BUCAS Program at ang PhilHealth YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program upang mas marami pang Pilipino ang makaiwas sa karamdaman.

Samantala, hindi naman nakakalimutan ni Pangulong Marcos na pasalamatan ang mga doktor, nurse at lahat ng healthcare workers na patuloy na naglilingkod sa bayan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here