MANILA, Philippines – Iminungkahi ng Commission on Elections (Comelec) sa Kongreso na magtakda ng bagong petsa ngayong 2026 para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sakaling hindi matuloy ang itinakdang halalan sa Marso 30.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, makakaapekto sa paghahanda para sa 2028 presidential elections kung idaraos pa ang BPE sa 2027.
“If it is possible, maybe in 2026, we can have the elections. We can’t do it next year because the Comelec is already very busy preparing for the national and local elections,” ani Garcia.
Sinabi niyang nagsumite na ang Comelec ng panukalang batas sa Mababang Kapulungan upang maayos ang bagong petsa ng halalan sa Bangsamoro.
“If we cannot proceed by March 30, we will wait for a law to be passed that will fix the date of our elections in the Bangsamoro,” dagdag niya.
Ayon kay Garcia, iminungkahi ng Comelec na idaos ang BPE sa Mayo, huling bahagi ng Setyembre, o unang bahagi ng Oktubre 2026.
“After Ramadan and the Holy Week, we can probably have the elections towards the end of May 2026,” sabi niya.
Binigyang-diin din niya na gaganapin ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2026.
Noong nakaraang taon, inatasan ng Korte Suprema ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na magpasa ng bagong BARMM districting law at idaos ang BPE hindi lalampas sa Marso 31, 2026. Noong Enero 13, inaprubahan ng BTA ang Parliament Bill No. 415 na nagtatakda ng 32 parliamentary districts ng BARMM.
Dagdag ni Garcia, ayon sa Republic Act No. 8189 o Continuing Registration Law, bawal na ang anumang pagbabago sa rehistro ng botante 120 araw bago ang halalan. RNT/MND