Home NATIONWIDE Mas malawak na pagdinig sa pagtanggal ng system loss charge, hinihiling ng...

Mas malawak na pagdinig sa pagtanggal ng system loss charge, hinihiling ng mga mambabatas

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang ilang mambabatas na gawing mas malawak at inklusibo ang talakayan tungkol sa planong pagtanggal ng system loss charge sa electric bill at pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Ayon kay Akbayan Rep. Dadah Kiram Ismula, hindi lamang Meralco ang dapat pagtuunan ng pansin dahil marami pang ibang electric distribution utilities sa Visayas at Mindanao na naniningil rin ng system loss charge.

Sinabi niyang hindi makatarungan na ipasa sa mga konsyumer ang gastos na dulot ng inefficiency, lumang imprastraktura, at iba pang kakulangan ng mga utility company.

Sa pagdinig ng House committee on energy, ipinaliwanag ni Palawan Rep. Jose Alvarez na may dalawang uri ng system loss: technical loss (TL) at non-technical loss (NTL). Aniya, maaaring agad na alisin ang NTL, habang ang TL ay dapat pag-aralan kung paano mababawasan.

Sumang-ayon naman ang Energy Regulatory Commission (ERC) na kailangan ng reporma, ngunit hindi nito inirerekomenda ang ganap na pagtanggal ng system loss charge dahil bahagi ito ng normal na proseso ng pamamahagi ng kuryente. Mas mainam umano na ibaba ang pinapayagang cap sa maaaring ipasa sa mga konsyumer.

Ayon sa Meralco, mas mababa na sa kasalukuyang regulatory cap ang kanilang system loss dahil sa mga pamumuhunan sa modernisasyon ng kanilang network at mga programa laban sa pagnanakaw ng kuryente.

Ilang panukalang batas ang inihain sa Kamara matapos ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA na alisin ang system loss charge. May mga panukalang ganap itong ipagbawal, habang ang iba ay nais lamang limitahan ang maaaring ipasa sa mga konsyumer at ipagbawal ang pagsingil para sa non-technical losses tulad ng pagnanakaw ng kuryente at inefficiency.

Binigyang-diin ng mga mambabatas na ang usapin ay pambansang isyu ng mga konsyumer at dapat pag-usapan nang mas malawak upang maprotektahan ang mga pamilya at maliliit na negosyo laban sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here