MANILA, Philippines — Asahan ang mas maraming interoperability drills sa pagitan ng hukbong-dagat at hukbong-himpapawid ng Pilipinas, Australia, Japan at Estados Unidos sa mga susunod na buwan, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ay kasunod ng pagtatapos ng 3rd Multilateral Joint Staff Talks na ginanap mula Marso 2 hanggang 3, na dinaluhan ng matataas na opisyal ng AFP, Australian Defence Force, Japan Self-Defense Force at US Indo-Pacific Command.
Ayon sa AFP, nagsilbing mahalagang plataporma ang pag-uusap upang mapalakas ang koordinasyon, interoperability at mutual understanding ng apat na bansa.
Binanggit din ng AFP ang patuloy na commitment ng mga ito na paigtingin ang defense cooperation at isulong ang seguridad sa Indo-Pacific region.
Kabilang ang Australia, Japan at US sa mga aktibong lumalahok sa multilateral maritime cooperative activities (MMCAs) ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Noong Pebrero 15-16, nagsagawa ng ika-14 MMCA ang Pilipinas, Australia at US, na sinundan ng ika-15 MMCA mula Pebrero 20-26 kasama ang Japan at US.
Samantala, patungong Sydney, Australia na ang pinakamodernong barko ng Philippine Navy na BRP Diego Silang (FFG-7) upang lumahok sa Multilateral Naval Exercise “Kakadu” 2026 sa huling linggo ng Marso.
Bahagi rin ang Pilipinas sa International Fleet Review (IFR) kung saan 21 bansa ang kalahok.
Bago ang pag-alis, inatasan ni PN chief Vice Admiral Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta ang mga tauhan na ipakita ang propesyonalismo at kahusayan sa operasyon.
Aniya, ang pakikilahok sa “Kakadu” at IFR ay patunay ng commitment ng Philippine Navy na palakasin ang maritime cooperation, defense diplomacy at warfighting proficiency kasama ang mga kaalyado. RNT/JGC