Home NATIONWIDE Mas maraming joint naval training, exercises sinisilip ng PH, US, Japan

Mas maraming joint naval training, exercises sinisilip ng PH, US, Japan

MANILA, Philippines- Balak ng Pilipinas, Estados Unidos at Japan na magsagawa ng mas maraming joint naval training at exercises.

Nakahanda namang tumanggap ng suporta ang Manila para sa “defense modernization priorities” nito.

Base sa Joint Vision Statement mula sa mga lider ng tatlong bansa na naka-upload sa website ng Ministry of Japan at White House, nangako ang mga ito na palalakasin ang pagtutulungan para sa pagsisikap na isulong ang domain awareness, kasama ang humanitarian assistance and disaster relief.

“We resolve to advance trilateral defense cooperation, including through combined naval training and exercises between our three countries and additional partners… and by coordinating US and Japanese support for Philippine defense modernization priorities,” ang nakasaad sa kalatas.

Kabilang sa mga inisyatiba na binabalak ay ang pinagsamang pagsasanay kasama ang mga Southeast Asian regional partner, at isang Japan-Philippines-US humanitarian assistance at disaster response exercise.

Ang pagsasanay ay maaaring isama sa trilateral o multilateral activities, kabilang na ang Balikatan 2025, sa layuning tiyakin na ang mga bansa ay handa at kayang makipagtulungan at makatrabaho ang bawat isa kontra sa anumang krisis o contingency.

Plano rin ng mga bansa na magdaos ng maritime training activity sa palibot ng Japan sa 2025, matapos na magsagawa ng Multilateral Maritime Cooperative Activity ((MMCA) sa West Philippine Sea nito lamang nakaraang linggo.

Nagpahayag din ang mga lider ng kanilang “serious concerns” sa “dangerous and aggressive behavior” ng Tsina sa South China Sea, tinukoy ng mga ito ang 2016 arbitral ruling na nagsasabing ang Ayungin Shoal — isang submerged reef o nakalubog na bahura sa Spratly Islands ay namamalagi sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

“We steadfastly oppose the dangerous and coercive use of Coast Guard and maritime militia vessels in the South China Sea, as well as efforts to disrupt other countries’ offshore resource exploitation,” batay sa kalatas.

“We reiterated serious concern over the PRC’s repeated obstruction of Philippine vessels’ exercise of high seas freedom of navigation and the disruption of supply lines to Second Thomas Shoal,” dagdag pa rito. Kris Jose