MANILA, Philippines – Inihain sa House of Representatives ang isang panukalang batas na nagbibigay sa Philippine Coast Guard ng parehong suweldo at benepisyo, bukod sa iba pang kabayaran, na tinatamasa ng militar at pulisya.
Ginawa ni House Deputy Minority Leader Leila de Lima ng ML party-list ang panukala sa ilalim ng House Bill 5131 o ang Revised Philippine Coast Guard Law, na binanggit ang pagtaas ng tensyon sa West Philippine Sea at ang estratehikong kahalagahan ng Philippine maritime domain.
“Araw-araw humaharap sa peligro ang hanay ng PCG sa pagbabantay sa ating teritoryo at yamang-dagat, sa paghahatid ng tulong at pagprotekta sa ating mga mangingisda mula sa pambubully at pang-ha-harass ng dayuhang nangangamkam ng ating teritoryo, at sa pagresponde sa panahon ng sakuna. Obligasyon ng estado na protektahan at itaguyod din ang kanilang kapakanan,” ayon kay De Lima.
Ang panukalang batas ni De Lima ay naglalayong ipawalang-bisa ang Republic Act No. 9993 o ang Philippine Coast Guard Law na nagmula noong 2009.
“Ang pagpapaunlad at pagpapalakas sa kanilang hanay ay pagsusulong ng lalong kaligtasan ng ating mga kababayan, at ng higit na pangangalaga sa ating likas na yaman at dangal ng ating bayan,” aniya. RNT/MND