MANILA, Philippines – Nanawagan ang Japan sa US na palakasin ang alyansa nito sa Pilipinas at iba pang regional partners sa gitna ng pagbabago sa patakarang panlabas ng administrasyong Trump.
Ayon kay Japanese Ambassador Endo Kazuya, ang aktibong partisipasyon ng US sa rehiyon ay mahalaga para sa interes ng Amerika.
Sa isang forum na inorganisa ng Stratbase ADR Institute at Japan Foundation Manila, binigyang-diin ni Kazuya ang kahalagahan ng trilateral cooperation ng Japan, US, at Pilipinas.
Ito ay kasunod ng pagpupulong nina Japanese Foreign Minister Takeshi Iwaya at US Secretary of State Marco Rubio na nagkasundong palalimin ang kooperasyon ng kanilang mga bansa kasama ang Pilipinas.
Mahalaga ang suporta ng US sa modernisasyon ng militar ng Pilipinas sa harap ng patuloy na agresyon ng China sa West Philippine Sea. Kamakailan, inaprubahan ng administrasyong Trump ang $336 milyong military aid para sa Pilipinas, na bahagi ng mas malaking $500 milyong aid package.
Ayon kay Gregory Poling ng Asia Maritime Transparency Initiative, patunay ang hakbang na ito ng patuloy na pag-suporta ng US sa seguridad ng Pilipinas.
Samantala, kinondena rin ng US State Department ang “reckless” na aksyon ng China sa West Philippine Sea, na nagpapatibay ng kanilang suporta sa Pilipinas.
Gayunpaman, nagbabala ang ilang eksperto na ang “America First” policy ni Trump ay maaaring magdulot ng hindi inaasahang epekto sa Southeast Asia.
Iminungkahi ni Dr. Ken Jimbo ng Keio University na dapat palawakin ng Pilipinas ang kanilang alyansa upang maging handa sa anumang pagbabago sa patakaran ng US. RNT