MANILA, Philippines – Magbabayad ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng P8.8 bilyong halaga ng claims na tinanggihan dahil sa late filing lampas sa 60-day period, ayon kay Dr. Israel Francis Pargas, tagapagsalita ng PhilHealth.
Saklaw ng patakarang ito ang claims mula Enero 1, 2018, hanggang Disyembre 31, 2024.
Sinimulan ng PhilHealth ang electronic claims filing noong 2018, kung saan awtomatikong tinatanggihan ang mga late submission. Kasama sa bagong patakaran ang mga claims na nasa PhilHealth pa, mga naibalik ngunit hindi pa naire-file, at mga na-re-file na ng mga ospital.
Ayon kay PhilHealth President at CEO Dr. Edwin Mercado, 30% hanggang 40% ng tinanggihang claims ay dahil sa late filing, habang patuloy pang sinusuri ang natitirang 60%. RNT