Home NATIONWIDE Mas matibay na social protection, sex education sa teenage moms hirit ng...

Mas matibay na social protection, sex education sa teenage moms hirit ng solon

MANILA, Philippines- Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian  ang gobyerno na palakasin ang implementasyon ng comprehensive sexuality education (CSE) at social protection program para sa adolescent mothers.

Sinabi ni Gatchalian na lubos na nakababahala ang ulat ng  Commission on Population and Development (CPD) na umabot sa 22,000 teenagers ang muling nabuntis.

Base sa datos ng CPD, muling nabuntis ang maraming kabataan sa edad na 13 hanggang 15-anyos.

“Napagkakaitan ang mga batang ina na magkaroon ng magandang edukasyon at ang paulit-ulit na pagbubuntis ay maaaring senyales ng pang-aabuso,” ayon kay Gatchalian.

“Mahalagang panagutin natin ang mga nang-aabuso sa mga batang kababaihan at tiyaking mabibigyan natin ng pangalawang pagkakataon ang mga batang ina,” giit ng senador.

Kasabay nito, nananawagan din ang senador sa law enforcement agencies na mahigpit na ipatupad ang batas na nagbibigay proteksyon sa babaeng kabataan laban sa pang-aabusong sekswal at karahasan.

Isa rito ang Republic Act No. 11596 na nagbabawal sa child marriages o kasal ng menor-de-edad.

Sinabi pa ni Gathcalian, chairman ng  Senate Committee on Basic Education, binibigyan ng proteksyon ng batas ang kabataan na edad 18 pataas na hindi maaaring pangalagaan o protektahan ang sarili sanhi ng pisikal at pang-kaisipang kondisyon.

“The said law, which also raised the age of sexual consent from 12 to 16, also prohibits the cohabitation of an adult with a child outside of wedlock,” ayon kay Gatchalian.

Base sa CPD, kahit pangunahing salik ang COVID-19 pandemic sa pagtaas ng bilang ng    adolescent pregnancies, isa din ang salik pangkultura na pangunahing dahilan ng pangyayari. Isa rito ang sapilitang pagsasama ng teenage mother at nakabuntis sa kanya.

Ayon kay Gatchalian, isa sa pinakamahalagang pamamaraan upang protektahan ang batang babae na panatilihin sila sa paaralan kung saan maaaring matuto sila ng CSE at makakuha ng   child protection programs. 

Kailangan din umanong maibalik sa paaralan ang sinumang teenage mother. Ernie Reyes