Home NATIONWIDE DMW may P1B Aksyon Fund para sa OFWs

DMW may P1B Aksyon Fund para sa OFWs

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na puspusan na ang pagpapatupad ng “Aksyon Fund” nito para tumulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa pre-SONA (State of the Nation Address) Special “Resibo ng Serbisyo ng Pangulo” na ipinalabas sa state-run PTV nitong Lunes, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na naglabas ang DMW ng halos P1 bilyon mula sa Aksyon (action) Fund .

“The disbursement ng (of) Aksyon Fund had aided at least 52,000 workers in terms of legal and labor assistance and around 10,000 others provided with financial assistance,” saad ni Cacdac .

Ang Aksyon (Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan) Fund ay ginagamit para sa legal, medical, financial at iba pang uri ng tulong sa OFWs, kabilang ang repatriation, shipment ng labi, evacuation, rescue, at iba pang kahalintulad na tulong o interbensyon upang protektahan ang mga karapatan ng mga mamamayang Pilipino.

Sa kanyang ikalawang SONA noong nakaraang taon, sinabi ni Marcos na ang gobyerno ay nakikipag-ugnayan sa mga kasosyo sa internasyonal na komunidad upang matiyak ang isang ligtas na kapaligiran sa pagtatrabaho para sa mga OFW.

Sinabi ni Cacdac na ang DMW at mga attached agency, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ay tumutugon sa mga panawagan ng mga OFW, lalo na sa panahon ng dalawang pangunahing international conflict – ang Sudan humanitarian crisis na sumiklab noong Abril 2023 at ang salungatan sa pagitan ng Israel at militanteng grupong Hamas na nagsimula noong Okt. 7, 2023.

Ang whole-of-government aid, na ipinag-utos ng Pangulo ay kabilang ang Department of Foreign Affairs, Department of Health, Department of Social Welfare and Development and the Technical Education and Skills Development Authority.

Ang Aksyon Fund ng DMW ay mayroong P2.8 bilyong alokasyon ng badyet para sa 2024.

Sinabi ni Cacdac na kinuha rin sa Aksyon Fund ang mga legal na gastusin.

Sinabi niya na ang DMW ay nakakuha ng humigit-kumulang 54,000 mga kaso, kabilang ang mga paghahabol at legal na labanan, bukod sa 9,400 mga kaso na hinahawakan ng mga internasyonal na post.

Sinabi ni Cacdac na ang mga kaso ay kinabibilangan ng mga reklamo laban sa mga employer, interrupted employment, hindi tamang pasahod, pang-aabuso sa trabaho , countering cases na isinampa ng employers tulad ng theft at immigration-related case.

Gumagastos din ang DMW para sa mga kasong kriminal para sa mga OFW na biktima ng panggagahasa at pisikal na pinsala.

Patuloy na pinagbubuti ang sistema ng pondo upang gawing mas madaling makuha at mas mahusay ang pamamahagi, tiniyak ni Cacdac. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)