MANILA, Philippines – Maari pa ring iapela ang nakaambang P35 na pagtaas sa daily minimum wage para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa National Capital Region, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Martes.
Sa isang panayam, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na maaaring maghain ng apela sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang mga gustong umapela sa desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)- National Capital Region (NCR).
Maaring ihain sa loob ng 10 araw ang apela mula sa paglathala ng wage order, o hanggang Hulyo 11, ayon kay Laguesma.
Idinagdag pa ni Laguesma na maging ang sektor ng mga employer ay maari ding maghain ng apela.
Itinakda ng kautusan ang bagong minimum wage rate mula P610 hanggang P645 para sa non-agriculture sector; at mula P573 hanggang P608 para sa sektor ng agrikultura, serbisyo at retail na establisyimento na gumagamit ng 15 o mas kaunting manggagawa, at mga manufacturing establishment na regular na gumagamit ng mas mababa sa 10 manggagawa.
Ang mga bagong wage rate ay magkakabisa sa Hulyo 17, o 15 araw pagkatapos mailathala noong Hulyo 1. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)