MANILA, Philippines – PINURI ng Presidential Task Force on Media Security ang naging desisyon ng Masbate Regional Trial Court (RTC) judge, nag-utos na bawiin ang warrant of arrests na nauna nang ipinalabas laban sa dalawang local journalists at dalawang iba pa para sa sinasabing murder charge.
Ayon kay PTFoMS Executive Director Paul M. Gutierrez, nagpalabas si Judge Teofilo B. Tambago, Masbate RTC Branch 49, 5 th Judicial Region, ng isang resolusyon na nagkakaloob ng motion to recall/lift warrant of arrest na inihain ng local broadcasters na sina Jay Alfaro at Benjamin Gigante, ng radio station dyME.
“Wherefore, premises considered, the Office of the Provincial Prosecutor is ordered to conduct reinvestigation of the case. In the meantime, the WARRANTS OF ARREST issued for this case are ordered RECALLED and SET ASIDE,” ang bahagi ng Judge Tambago.
Sa kanilang mosyon, kapuwa sinabi nina Alfaro at Gigante na hindi sila binigyan ng benepisyo ng preliminary investigation, dahil hindi sila nakatanggap ng anumang subpoena para sa kaso.
Sa pinakabagong kaganapan, pinuri ni Gutierrez ang naging desisyon ni Judge Tambago, sabay sabing ito ang pangalawang pagkakataon kung saan wala pang isang buan na ang warrant of arrest ay ipinag-utos na bawiin ng kaparehong hukom.
Makikita sa record na ang paghahain ng murder charges laban kina Alfaro, Gigante at dalawang iba pa, inihain ni Masbate Provincial Prosecutor Jeremias Mapula, para sa papatay sa nagngangalang Richard Bauso noong Abril 6, 2024 sa Cawayan town.
Tinukoy ang media report, sinabi ni Gutierrez na sa unang insidente, binawi ng local court ang warrant of arrest para kina Gigante, Alfaro, at tatlong iba pang local journalists noong Hulyo 26, sa pagpatay sa isang Virgil Arriesgado noong Agosto 2022 na may criminal information na inihanda ni Mapula.
Bago pa ang pagbawi sa warrants, napag-alaman na lumiham si Gutierrez kay Mapula, humihiling ng katiyakan na susunod ito sa probisyon ng Department Circular 20 (DC20), serye ng 2023, ipinalabas ng Department of Justice (DOJ) sa pag tukoy kina Gigante at Alfaro bilang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA), at kung may sapat na ebidensiya na magtuturo s amga ito sa pagpatay kay Bauso.
Partikular na humingi ng paglilinaw si Gutierrez kung talagang sinasabing pagiging miyembro nina Gigante at Alfaro sa CPP-NPA ay binalidate (validate) ng kinauukulang intelligence units ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Pinaalalahanan din ni Gutierrez si Mapula na bilang mekanismo ng gobyerno para tugunan ang lahat ng paglabag sa karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad ng lahat ng miyembro ng media, ang PTFoMS, ay pinamumunuan ng Kalihim ng DOJ, “at may buong suporta ng lahat ng mga attached agencies ng DOJ, kabilang na ang National Prosecution Service (NPS)” na aniya ay kinabibilangan nito. Kris Jose