MANILA, Philippines – May mastermind sa likod ng “massive and systemic” na korapsyon sa mga flood control projects kaya dapat nang mahuli at makulong upang matuldukan ang buong iskandalo, ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Sa tatlong magkakasunod na panayam sa media nitong Miyerkules, Oktubre 8, sinabi ng minority leader na sa lawak ng nasabing anomalya, hindi malabong may makapangyarihang tao na nag-“orchestrate” nito.
“Ang working theory ko, may tumingin sa buong pondo [ng gobyerno] at sinabing, ‘Pwedeng may gawin ako sa pondo na ito. Benta ko ito.’ At may kasama [siya] doon,” aniya.
“Kasi kung makikita mo, nationwide merong biglang ghost lahat. Ibang usapan ‘yon,” dagdag niya.
Diin ni Cayetano, hangga’t hindi natutukoy sa mga parallel investigation ang sinumang mastermind, guguluhin at guguluhin lang umano ng mga ito ang imbestigasyon upang makalusot at maipagpatuloy ang korapsyon.
“Ang mastermind na kumita ng tens of billions, maybe hundreds of [billions], guguluhin niya talaga ito,” aniya.
Patunay umano sa panggugulong ito ang kawalan ng kumpleto at malinaw na listahan ng lahat ng flood control projects sa buong bansa, kahit tatlong buwan na ang nakalipas mula nang banggitin ito ng Pangulo sa SONA.
Sa halip, puro mga “low-lying fruits” umano na mga indibidwal ang tinatarget—maliit man o malaking pangalan.
“All the mastermind has to do is i-yoyo niya lang lahat ‘to, mag-grow-grow ‘yung frustrations ng people. And then by the end of next year, kanya-kanya nang propaganda that the hope is the candidate in 2028,” dagdag niya.
“Habang ang nagtitirahan ay kapwa congressman, kapwa senator, hindi na-e-expose ‘yung mastermind, ‘yan ang play niyan,” aniya pa.
Mungkahi niya sa Blue Ribbon Committee, sa Department of Public Works and Highways (DPWH), at sa Independent Commission for Infrastructure na unahing kumpletuhin ang listahan ng lahat ng mga bagong flood control projects mula 2024 at 2025, isa-isang ipatawag ang mga sangkot hanggang sa “ikanta” ng mga ito ang mastermind.
“Paano mo hahabulin ‘yung mastermind? Kailangan may working theory ka. Paano mo mabubuo ‘yung theory na ‘yon kung tama o hindi? Simple lang. Kumuha ka kung saan ‘yung mga ghost. ‘Pag lumabas ‘yung listahan na ‘yan, isa-isa imbitahin ‘yan,” aniya.
“Unahin natin listahan ng 2025 at 2024. Pagka ‘yan nilabas ang pondo at ghost (non-existent), huli na kaagad ‘yan. Kakanta na kaagad ‘yan,” dagdag pa ni Cayetano. Ernie Reyes