MANILA, Philippines – Arestado ang isang manyakis na matandang binata na wanted sa kasong statutory rape matapos madakip ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Malabon City.
K0inilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang akusado na si alyas ‘Andy’, 50, driver at residente ng P. Concepcion St., Brgy. Tugatog.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Col. Baybayan na nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa Brgy. Catmon ang presensya ng akusado na kabilang sa mga Most Wanted Person sa lungsod.
Agad bumuo ng team ang Warrant and Subpoena Section (WSS) bago ikinasa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-4:30 ng hapon sa Sanciangco Street, Barangay Catmon.
Ang akusado ay dinakip ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Rhoda Magdalene L. Mapile-Osinada ng Regional Trial Court Branch 289, Malabon City noong December 26, 2024 para sa kasong Statutory Rape.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado na pansamantalang nakapiit sa custodial facilitu unit ng Malabon police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. Rene Manahan