Home NATIONWIDE Matatag na suplay ng kuryente para sa May 12 polls titiyakin ng...

Matatag na suplay ng kuryente para sa May 12 polls titiyakin ng PH gov’t, private sector- Malakanyang

MANILA, Philippines- Mahigpit ang pag-uugnayan ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor para tiyakin na matatag ang suplay ng kuryente sa May 12, midterm elections.

Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Undersecretary Palace Press Officer Claire Castro na gumagawa na ng “proactive steps” ang partners o katuwang ng Department of Energy (DOE) at mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor para magarantiya ang ‘uninterrupted electricity’ sa buong proseso ng eleksyon.

“Mahalagang masiguro ang maayos na daloy ng kuryente para maprotektahan ang publiko at mapanatili ang katatagan ng national grid ngayong halalan,” ang sinabi ni Castro.

Inihayag pa ni Castro na inatasan na ng DOE ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), National Electrification Administration (NEA), electric cooperatives, at private distribution utilities na kaagad ayusin ang anumang istraktura na makasasagabal sa power lines.

“Kabilang dito ang mga ilegal na campaign material at iba pang mga istrukturang posibleng magdulot ng panganib sa kaligtasan at sa tuloy-tuloy na suplay ng kuryente,” diing pahayag ni Castro.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang DOE sa local government units (LGUs) at sa Commission on Elections (Comelec) Special Task Force Baklas na dalian at ligtas na alisin ang mga nasabing hadlang.

Tinuran pa ni Castro na tinugunan ng DOE ang report mula sa Comelec kaugnay sa malaganap na illegal practice sa pagkakabit ng campaign materials sa electrical poles at power lines.

“Hindi lamang paglabag sa election rules kundi malaking panganib din sa kaligtasan at operasyon ng ating power system,” diing pahayag nito.

Ang inisyatiba ng DOE ay alinsunod sa Republic Act No. 11361, o Anti-Obstruction of Power Lines Act, naglalayong protektahan ang power lines at kaugnay na pasilidad mula sa panganib.

Nauna rito, tiniyak ng DOE-led Energy Task Force on Election (ETFE) sa publiko ng uninterrupted power supply sa buong bansa habang idinadaos ang “botohan, transmission, at canvassing.”

Ang ETFE, isang multi-agency body, pinangungunahan ng DOE, mahigpit na nakikipag-ugnayan sa Comelec, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at Bureau of Fire Protection upang masiguro ang maayos at kapani-paniwalang eleksyon. Kris Jose