Home NATIONWIDE Matik na pagpasa ng estudyante sa public schools pinabulaanan ng DepEd

Matik na pagpasa ng estudyante sa public schools pinabulaanan ng DepEd

MANILA, Philippines – Patuloy na pinaninindigan ng Department of Education (DepEd) na walang umiiral na “auto-pass” policy o awtomatikong pasado sa mga pampublikong paaralan.

Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, kinakailangan ng reporma sa ilang bahagi ng sistema upang matugunan ang learning gaps at matiyak na natututo ang mga mag-aaral, partikular sa literacy o ang kakayahang bumasa at sumulat.

“Wala pong policy ang DepEd na automatic na pagpasa sa mga estudyante,” ani Angara.

Gayunman, inamin ni Angara na bagama’t hindi ito opisyal na polisiya, naging isang silent norm o hindi opisyal na kalakaran ang mass promotion sa ilang lugar, na nais nilang baguhin.

“Mass promotion isn’t a written rule, but it’s become a silent norm in some places. We want to change that,” dagdag ng Kalihim.

Sinabi rin niya na may mga aspeto sa kasalukuyang sistema—tulad ng mga incentive structures—na hindi sinasadyang humihikayat sa mass promotion, at ito ay dapat maitama.

“We have to admit, some features of our system we inherited may be putting quite pressure on schools and teachers to promote students. That’s something we are determined to correct,” aniya.

Dagdag pa ni Angara, ginagamit na ngayon ng DepEd ang mas holistic o kabuuang tagapagpahiwatig sa performance-based evaluations, hindi lamang nakatuon sa dami ng mga estudyanteng naipapasa.

“When school-level success is measured mainly by how many students move up, and when teachers feel that their evaluations and promotions depend on that too, then we can’t be surprised if the system bends in that direction,” paliwanag niya.

Kabilang sa mga ginagamit na batayan ngayon ay ang Performance, Process, Financial, at Citizen/Client Satisfaction Results.

Bilang tugon sa isyu, nagsasagawa ang DepEd ng isang comprehensive review ng kasalukuyang mga patakaran kaugnay ng assessment, remediation, at promotion.

“Promotion should be earned through real learning. And real learning should be what our system makes possible, not just expected,” ani Angara.

Layon ng isinasagawang repaso na matiyak na ang pag-akyat ng mga mag-aaral sa mas mataas na baitang ay batay sa mas malinaw na pamantayan, epektibong remedial programs, at patas na mekanismo sa pagsusuri ng mga guro. Kris Jose