Home NATIONWIDE Remittance fees ng OFWs bababa sa pag-ahon ng Pinas sa FATF grey...

Remittance fees ng OFWs bababa sa pag-ahon ng Pinas sa FATF grey list – DMW

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na ang pagtanggal ng Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF) ay hudyat ng pagsisimula ng mas mababang gastos sa pagpapadala ng remittances ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang mga kamag-anak sa bansa.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, bukod sa mas murang remittance fees, mababawasan din ang mga kinakailangang dokumento at requirements para sa international money transfers, na magbibigay-daan para sa mas madali at mabilis na access ng mga OFW at negosyo sa mga pandaigdigang transaksyong pinansyal.

Matatandaang inilagay ang Pilipinas sa grey list ng FATF noong 2021 matapos matukoy ang 18 kakulangan sa pagpapatupad ng mga hakbang laban sa money laundering at terrorism financing, kabilang ang money laundering sa mga casino at kakulangan ng kaso ng pag-uusig sa terrorism funding.

Ang nasabing pagkakahanay sa FATF grey list ay nagresulta sa mas mabigat na pagsusuri sa mga financial transactions ng Pilipinas, na nakaapekto rin sa tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)