Home OPINION MATINDING EL NIÑO ASAHAN SA ABRIL

MATINDING EL NIÑO ASAHAN SA ABRIL

MAAARING dumating sa rurok o pinakamataas ang El Niño weather phenomenon sa buwan ng Abril habang 63 lalawigan ang posibleng makaranas ng matinding tagtuyot ayon kay DOST o Department of Science and Technology secretary Renato So­lidum Jr.

Ang ‘El Niño’ ay ang hindi normal na pag-iinit ng Karagatang Pasipiko na magdudulot ng tagtuyot dahil sa malaking kabawasan ng pag-ulan mula 60-80 porsiyento, magreresulta ito sa kakulangan ng tubig at kakapusan ng kuryente lalo na sa Mindanao na dumedepende sa hydro-electric power plants.

Pero paglilinaw ng DOST na ang matinding tagtuyot sa susunod na tatlong buwan ay hindi tatama sa CARAGA at iba pang bahagi ng Davao Region.

Samantala, sinabi naman ni DND o Department of National Defense secretary Gilbert Teodoro na maglalabas si President Ferdinand Marcos, Jr., sa lalong madaling panahon ng executive order na muling bubuo sa Task Force El Niño.

Ang task force, pamumunuan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, ay nakatuon sa seguridad sa tubig, pagkain, enerhiya at kalusugan at maging kaligtasan ng publiko.
Para naman sa DENR o Department of Environment                     and Natural Resources, masusi nitong mino-monitor ang water supply sa urban centers at sa agricultural sector.

Ayon kay DENR secretary Antonia Yulo-Loyzaga na ang             Angat Dam sa Bulacan, nagsusuplay ng potable water sa Kalakhang Maynila.

Sa kasalukuyan ay may sapat na suplay ng tubig dahil may water level ito na 212 meters. Mayroon din aniyang infrastructure projects ang nakapila para sa water treatment.

Base sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, nasa 214.19 meters ang level ng tubig sa Angat Dam noong ika-29 ng Disyembre 2023, (6:00 AM). Naabot ang inaasam na target goal na 210.00 meters, kaya isang magandang balita para sa bagong taong 2024.

Ayon sa NWRB o National Water Resources Board ang mga pinagkukunan ng tubig ay hindi na sapat sa lumolobong populasyon, lalo na kung sumasapit ang panahon ng tag-init, na likas namang mahabang panahon sa Pilipinas.

Previous articleLotto Draw Result as of | January 2, 2024
Next articleHARBATERONG OPISYAL NG MAYNILA