MANILA, Philippines – Normal lamang ang matinding init ng panahon na naranasan sa bansa ngayong Marso dahil sa pagsisimula ng transition sa dry season, ayon sa PAGASA nitong Lunes, Marso 3.
Ipinaliwanag ni PAGASA weather specialist Ana Clauren-Jorda na ang Northeast Monsoon o Amihan ay maaaring tumagal hanggang sa kalagitnaan ng Marso at ito rin ang panahon na magpapalit na ang panahon patungo sa tag-init.
“Usually naman, kapag ganitong panahon ng Marso ay unti-unting na rin talaga natin na nararanasan itong mainit na panahon. Sa ngayon, kumbaga nagkakaroon lang tayo ng mga breaks doon sa Amihan natin dahil nga transition period tayo. So, halos normal naman na nagiging mainit ‘yung panahon natin kapag ganitong panahon na ng Marso kung saan papunta na tayo doon sa dry season,” sinabi ni Clauren-Jorda sa panayam ng GMA News.
Idineklara ng PAGASA ang ‘danger’ range sa mataas na temperatura ngayong araw sa mga sumusunod na lugar:
Science Garden Quezon City – 46°C
Clark Airport, Pampanga – 46°C
CLSU Muñoz, Nueva Ecija – 45°C
Ang heat index ay ang sukat ng temperatura na nararamdaman ng isang tao na kaiba sa aktwal na air temperature.
“Sa kasalukuyan kasi, easterlies o ‘yung mainit na hangin mula sa Karagatang Pasipiko ‘yung dominanteng weather system na makakaapekto sa ating bansa. So ito rin ‘yung magdadala ng mainit na panahon, mainit na bugso ng hangin hindi lang dito sa ka-Maynilaan, pati na rin po sa ibang bahagi pa ng ating kapulaan,” dagdag ni Clauren-Jorda.
“Ito rin po ‘yung magdadala kung bakit mainit ‘yung ating panahon na nararanasan sa kasalukuyan at wala tayong umiiral kasi na Amihan kaya mainit na panahon ang ating mararanasan at nasa transition na rin tayo sa dry season kaya unti-unti ay papa-init ‘yung ating panahon na mararanasan ngayong araw at sa mga susunod,” pagpapatuloy niya. RNT/JGC