Home TOP STORIES Matugas: Project records dapat magpakita kung sino aktuwal na humawak sa road...

Matugas: Project records dapat magpakita kung sino aktuwal na humawak sa road project

1
0

MANILA, Philippines — Iginiit ni Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Lalo” Matugas na dapat ibatay sa kumpletong records ng Mahayhay-Tuburan Road project ang pagtukoy kung sino ang aktuwal na lumahok sa pagpili ng contractor, pagpapatupad ng proyekto, pag-certify ng accomplishment at pagproseso ng mga bayad.

Ang pahayag ay kasunod ng pagtalakay ng Office of the Ombudsman sa nakabinbing preliminary investigation kaugnay ng proyekto sa Del Carmen, Surigao del Norte, na kinasasangkutan ni Matugas at ng kanyang anak na si dating Rep. Francisco “Bingo” Matugas II. Kapwa naghain na ng counter-affidavit ang mag-ama.

“Naipasa na namin ang aming mga sagot sa tamang proseso. Iginagalang namin ang Ombudsman at handa kaming ipasuri ang kumpletong mga dokumento at ebidensya,” ani Matugas.

Ayon sa kongresista, mahalagang matukoy mula sa official project records ang aktuwal na papel, kung mayroon man, ng bawat taong iniuugnay sa transaksyon.

“Dapat ipakita ng project records kung sino ang pumili sa contractor, sino ang lumagda sa mga dokumento, sino ang nagpatupad at nangasiwa sa proyekto, sino ang nag-certify ng accomplishment, at sino ang nagproseso ng mga bayad,” ani Matugas.

Batay sa mga dokumentong binanggit kaugnay ng usapin, Boometrix Development Corporation ang contractor ng proyekto. Nakalista rin ang Boometrix bilang government-project contractor sa records ng Philippine Contractors Accreditation Board.

Hindi itinanggi ni Matugas ang kanilang pagiging magkamag-anak ngunit iginiit niyang hindi sapat ang relasyon upang matukoy ang aktuwal na naging papel ng isang indibidwal sa proyekto.

“Ang pagiging kamag-anak ng mga may-ari ng isang kumpanya ay isang bagay. Ang pakikilahok sa isang partikular na proyekto ng gobyerno ay ibang usapin. Dapat maipakita ng mga dokumento ang papel ng bawat indibidwal,” ani Matugas.

Ayon pa sa kongresista, batay sa corporate at project records na kanilang isinumite at tinutukoy sa kanilang depensa, hindi umano incorporator, shareholder o officer ng Boometrix sina Lalo at Bingo.

Iginiit din niya na wala umanong project contract na pirmado ng alinman sa kanila at dapat suriin ang kumpletong dokumentasyon upang matukoy kung may ebidensyang nag-uugnay sa kanila sa pagpapatupad, certification o pagbabayad sa proyekto.

“Kung may dokumentong nagpapakitang ang alinman sa amin ay lumahok sa pagpili ng contractor, lumagda sa project contract, nangasiwa sa construction, nag-certify ng accomplishment o nag-awtorisa ng bayad, dapat tukuyin at suriin ang dokumentong iyon,” ani Matugas.

Nauna nang sinabi ng Ombudsman na ang reklamong kaugnay ng Mahayhay-Tuburan Road project ay may kinalaman sa mga tanong sa naiulat na accomplishment at pagbabayad para sa proyekto. Iniulat na ang proyekto ay idineklarang fully completed at nabayaran nang buo ang contractor, habang lumitaw sa isang site inspection na hindi pa umano ito ganap na tapos.

Sinabi ni Matugas na dapat matunton sa official records ang responsibilidad para sa bawat hakbang sa pagpapatupad ng proyekto.

“Kung nagkaroon ng problema sa pagpapatupad ng proyekto, alamin kung sino ang responsable sa trabaho. Kung may maling certification, alamin kung sino ang naghanda at nag-apruba nito. Kung may hindi wastong pagbabayad, alamin kung sino ang nagproseso at nag-awtorisa nito,” ani Matugas.

“Iyan ang dahilan kung bakit bukas kami sa pagsusuri ng kumpletong records. Hayaan nating ang mga dokumento ang magpakita kung sino ang gumawa ng ano.”

Nauna nang sinabi ng mag-amang Matugas na iginagalang nila ang mandato ng Ombudsman at makikipagtulungan sila sa preliminary investigation. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here