MANILA, Philippines – Magdadala ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan sa buong bansa ngayong Biyernes ang easterlies, ayon sa PAGASA.
Makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Aurora, na posibleng magdulot ng flash flood o landslide dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga panaka-nakang pag-ulan o thunderstorm. Maaaring magdulot din ito ng flash flood o landslide kung lalala ang lagay ng panahon.
Sa Hilagang Luzon, inaasahang mahina hanggang katamtamang hangin mula sa timog-silangan hanggang timog, habang ang karagatan ay banayad hanggang katamtaman ang alon. Katulad na kondisyon ng hangin at karagatan ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng bansa. RNT