MANILA, Philippines — Nangako ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na paiiralin ang maximum tolerance sa mga kilos-protesta sa nalalapit na 49th ASEAN Summit, kasabay ng pagtitiyak na wala pa itong namomonitor na beripikadong banta sa seguridad.
Ayon kay NCRPO officer-in-charge Police Brig. Gen. Christopher Abrahano, patuloy ang kanilang intelligence monitoring at paghahanda laban sa mga posibleng insidente sa panahon ng pagtitipon ng mga dayuhang lider.
Tiniyak ni Abrahano na igagalang ng pulisya ang karapatan ng publiko na magpahayag ng kanilang mga hinaing habang pinananatili ang seguridad sa mga lugar na pagdarausan ng summit.
Kabilang sa mahigpit na babantayan ang Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, 16 na hotel na tutuluyan ng mga delegado, at mga rutang magdurugtong sa paliparan at mga venue.
Magpapatupad din ng checkpoints at iba pang seguridad sa mga itinalagang exclusion zone.
Sinabi ni Abrahano na wala pa silang natatanggap na impormasyon hinggil sa mga permit na inisyu ng lokal na pamahalaan para sa mga protesta. Inatasan din ang mga lokal na police commander na tiyaking sa mga itinalagang freedom park isasagawa ang mga pagtitipon.
Samantala, batay sa hiwalay na pahayag ng Philippine National Police (PNP) noong Nobyembre 9, aabot sa 19,869 pulis ang ipakakalat para sa seguridad ng ASEAN Summit.
Nauna nang idineklara ng Malacañang na special non-working days ang Nobyembre 16 hanggang 18 sa Metro Manila upang mapadali ang mga paghahanda at pagpapatupad ng seguridad.
Hinimok naman ng NCRPO ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at sumunod sa mga opisyal na abiso kaugnay ng seguridad at pagbabago sa daloy ng trapiko. Santi Celario