Home NATIONWIDE P2.14-M bayad ng GenCorp kay VP Sara, kinuwestiyon ni Win

P2.14-M bayad ng GenCorp kay VP Sara, kinuwestiyon ni Win

5
0

MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni Senate President Sherwin Gatchalian ang posibleng conflict of interest sa pagtanggap ni Vice President Sara Duterte ng ₱2.14 milyon mula sa GenCorp Industries Inc., isang kumpanyang mayroon ding mahigit ₱33 milyong kontrata sa pamahalaang lungsod ng Davao.

Sa ika-42 araw ng impeachment trial ni Duterte nitong Miyerkules, Nobyembre 11, tinanong ni Gatchalian si GenCorp in-house counsel Atty. Suzette Balucanag-Punay tungkol sa mga bayad sa Bise Presidente habang nagsusuplay din ng pagkain ang kumpanya sa Davao City government.

Binigyang-diin ni Gatchalian na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, kapatid ng Bise Presidente, ang kasalukuyang namumuno sa lungsod.

Nauna nang kinumpirma ni Mayor Duterte na nakakuha ang GenCorp ng 19 kontrata sa lungsod mula 2022 na nagkakahalaga ng kabuuang ₱33.26 milyon.

Sa testimonya ni Punay, nakatanggap ang Bise Presidente ng ₱2.14 milyon mula 2022 hanggang 2025 bilang umano’y return of capital mula sa tinawag niyang loose investment sa Jollibee Times Square branch.

Gayunman, ipinaliwanag ng abogado na ang mga kontrata sa Davao City government ay tinugunan ng Jollibee Bolton branch, hindi ng Times Square branch kung saan may pamumuhunan si Duterte.

Magkahiwalay din umano ang bank account ng dalawang sangay, bagaman parehong pinatatakbo ng GenCorp.

Iginiit ni Punay na walang conflict of interest dahil hindi bahagi ng Davao City government ang Bise Presidente.

Hindi naman nakumbinsi si Gatchalian sa paliwanag, dahil iisang korporasyon pa rin ang nagbabayad kay Duterte at kumukuha ng mga kontrata mula sa lokal na pamahalaan.

Samantala, inamin din ni Punay sa pagdinig na wala siyang nakitang nakasulat na dokumentong magpapatunay sa eksaktong halaga ng orihinal na pamumuhunan ng Bise Presidente.

Bahagi ang usapin ng patuloy na pagdinig sa impeachment case laban kay Duterte, partikular sa mga alegasyon kaugnay ng kanyang mga ari-arian, business interests at posibleng paglabag sa Konstitusyon.

Wala pang pinal na pasya ang impeachment court na may naganap na conflict of interest o paglabag kaugnay ng mga transaksyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here