MANILA, Philippines- Isang lalaki na may-ari ng lotto outlet ang namatay makaraang holdapin at barilin sa loob ng kanyang sasakyan sa Malagasang 2F, Imus City, Cavite.
Naisugod pa sa De La Salle University Hospital ang biktima na si alyas Anthony subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa mga suspek na armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril.
Sa ulat, bandang alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente nang sabayan ng mga suspek ang biktima na naglalakad patungo nakaparadang Toyota Hilux na may plakang NFZ4968.
Napag-alaman na nanggaling ang biktima sa bahay ng live-in partner nito at sa lotto outlet sa nasabing lugar nang sabayan ang mga ito ng mga suspek at pumasok sa kanilang sasakyan.
Inutusan ng mga suspek ang dalawa na paandarin ang kanilang sasakyan, sabay nagdeklara ng holdap at tinangay ang kanilang pera na nagkakahalaga ng P12,000 at saka binaril ang lalaki gamit ang hindi nabatid na kalibre ng baril.
Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek.
Humingi ng tulong ang babae sa mga bystander at isinugod ang biktima sa ospital gamit ang kanilang sasakyan subalit idineklarang dead on arrival ito.
Patuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso habang tinutugis ang mga nakatakas na suspek. Margie Bautista