Home NATIONWIDE OSG: Quo warranto maaaring ikasa vs Guo

OSG: Quo warranto maaaring ikasa vs Guo

MANILA, Philippines- Pinag-aaralan na ng Office of the Solicitor General (OSG) ang posibilidad na kwestiyunin ang karapatan ni Bamban Mayor Alice Guo na humawak ng pampublikong posisyon sa bansa.

Sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na maaaring maghain ng quo warranto petition ang OSG para alamin ang legalidad ng pagtakbo sa eleksyon ni Guo na lumalabas ay kwestiyonable ang pagiging Pilipino.

Nangangalap na aniya ang OSG ng mahahalagang impormasyon sa kaso ni Guo na iniimbistigahan ng Senado dahil sa pagkakasangkot umano sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) hub sa Tarlac.

Kung makalipon aniya ang OSG ng sapat na basehan para patunayan na hindi nararapat humawak ng pampublikong posisyon si Guo ay agad itong maghahain ng petition for quo warranto.

Ang quo warranto proceeding ay isang legal na paraan upang mapaalis sa posisyon ang isang opisyal na walang legal na karapatan na mabigyan ng posisyon sa pamahalaan.

Kinuwestiyon ni Senator Risa Hontiveros ang pagiging Filipino citizen ni Guo dahil wala itong official records na magpapatunay na isa itong Pilipino.

Una na ring sinabi ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia na wala na itong hurisdiksyon kay Guo dahil isa na itong halal na opisyal at tanging ang OSG ang pwedeng maghain ng petition for quo warranto. Teresa Tavares