MAGPASALAMAT tayo sa Diyos na Tagapagligtas dahil iniwasang sugurin ng bagyong Ramil ang mga nalindol sa Cebu, Davao del Sur at iba pang mga naapektuhang lugar.
Kung hindi, katakot-takot na kamalasan sana ang kanilang inabot dahil, bukod sa siksikan ang marami sa mga evacuation center, may mga nakatira lang sa mga open area na maaaring may mga tent o wala at inabot sana sila ng baha.
Kasama sana sa mga binaha pati ang mga maysakit na hinugot mula sa mga ospital upang maiwasan lang ang epekto ng mga lindol at aftershock ng mga ito.
MALAKAS NA ULAN AT BAHA
Ayon sa PAGASA, dala-dala ni Ramil ang malalakas na ulan at bumagsak ang mga ito sa Isabela, Aurora, Zambales, Bataan, Pangasinan, Tarlac, Pampanga, Quirino, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Palawan, Batangas.
Katamtaman at malakas ding ulan ang tumama sa Aklan, Antique, Romblon, Camarines Norte, Cavite, Laguna, Rizal, Quezon, Metro Manila, Bulacan, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Cagayan, Benguet, Ifugao, Mountain Province, Kalinga, Abra, Apayao.
Dahil sa mga pag-ulan, kitang-kita, halimbawa, kung paano binaha ang mga taga-Capiz, Oriental Mindoro, Quezon Province at iba pang mga lalawigan.
Umabot sa signal number 3 ang bagyong Ramil at ipinagpasalamat talaga nating hindi dumaan ito sa mga nilindol na lugar, maliban ang Pampanga at Zambales na nilindol din kamakailan.
NAALARMA NANG TODO
Dahil naman sa lindol, marami ang naalarma.
Kaya nitong nagdaang mga araw, may mga bayan o lalawigan o lungsod ang nagsuspinde ng mga klase sa paaralan.
Bukod sa mga ehersisyong isinagawa para kahit papaano’y makapaghanda ang lahat, ginawa rin ang pagkakataon na mag-inspeksyon ang mga awtoridad, lalo na sa lahat ng pampublikong pasilidad at gusali.
Naalarma ang lahat dahil na rin sa gawa ng mga korap na mga substandard o marurupok na proyekto, kasama na ang mga gusaling pampaaralan at iba pa.
May nagreklamo man sa kawalan ng koordinasyon ng mga lokal na awtoridad sa mga taga-Phivolcs, oks na rin sa atin ang lahat.
Ang importante, nagkaroon ng mga ehersisyo laban sa lindol at inspeksyon sa mga gusali at ngayo’y magaan-gaan ang loob ng mga nakatira o gumagamit ng mga istruktura, lalo na ang mga nakitang maayos ang pagkakagawa.
Isa pa, sinabi rin ng Phivolcs na hindi naman umano konektado ang mga lindol sa Mindanao, Kabisayaan at Central Luzon sa The Big One na inaasahang tatama sa Bulacan, Metro Manila, Cavite, Laguna at Rizal anomang araw naman.
Alalahaning tuwing ika-300-400 taon, gumagalaw ang The Big One at kung maganap ito lalo na sa gabi, maaaring ikamatay ito ng nasa 30,000-50,000, bukod pa ang nasa 100,000 sa Bulacan kung magiba ang Angat Dam na may posibleng raragasang baha na 30 metro ang taas.
Magdasal-dasal lang ang lahat na sana, kung muli ngang darating si The Big One, walang gaanong mapipinsalang buhay bagama’t inaasahang maraming magigibang tahanan, tulay, gusali at iba pa.






