Home NATIONWIDE Maynila handa sa hagupit ng bagyong Opong; declogging ops tuloy-tuloy

Maynila handa sa hagupit ng bagyong Opong; declogging ops tuloy-tuloy

281
0

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na kasalukuyang nasa “heightened alert” ang lungsod kasunod ng patuloy na paggalaw ng Severe Tropical Storm Opong sa buong bansa kung saan tiniyak ng alkalde na nakahanda ang lahat ng response units at pagsasagawa ng monitoring.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ng Alkalde na binuksan na ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang mga evacuation sites at handa silang tumanggap ng mga boluntaryong evacuees.

Ayon naman kay MDSW Director Jay Dela Fuente na ang mga social worker ay naka-deploy na sa 26 na evacuation sites, habang ang mga maiinit na pagkain ay inilagay sa mga district office ng ahensya.

“As of the moment, wala naman pong laman (ang mga evacuation centers), but the MDSW, thru Dir. Jay Dela Fuente, has ordered yesterday hot meals kapag may mga evacuees na,” ani Domagoso.

Iniulat din ng Alkalde na 24/7 na monitoring ang ginagawa ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) at iba pang ahensya ng lungsod hanggang Sabado, kung saan inaasahang lalakas ang bagyo.

“But salamat sa Diyos, the way it was presented to us yesterday by science, so far, hindi pa natin masyado nararamdaman, although ‘yung ulan hindi pa tumitigil,” ayon pa kay Yorme.

Sa ulat naman ng MCDRRMO, sinabi ng Alkalde na walang malalaking daanan ang binabaha, ngunit tiniyak nito sa publiko na mahigpit na binabantayan ng lungsod ang mga lugar na may mataas na peligro sa panahon ng pagtaas ng tubig.

Ayon kay MCDRRMO Director Arnel Angeles, inaasahan naman na magkakaroon ng high tide dakong ala1:12 ng hapon na may taas na 0.52 metro, partikular na sa mga lugar ng Barangay 598 (Damka, Santa Mesa sa kahabaan ng San Juan Riverbanks), Barangay 20 (Isla Puting Bato), at Barangay 275 (Parola) bilang mga high-risk areas.

Sa evacuation protocols, sinabi ni Domagoso na ang lungsod ay magpapatupad ng “involuntary evacuation” kung kinakailangan.

Sinabi ni Domagoso na ipinag-utos niya ang tuluy-tuloy na declogging operations upang mabawasan ang pagbaha sa lungsod.

“Since July 1, kahit baha, pinapa-declog ko pa rin. At the same time, based on that EO, ‘yung 896 barangays, inaatasan natin na tuwing Saturday, mag-declog sila ng kani-kanilang canal. Kami naman sa Maynila, araw-araw,” ani Domagoso.

Idinagdag niya na ang malalaking volume ng buhangin at aspalto ay naalis na sa drainage system. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here