MANILA, Philippines – Naglabas ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng mga alituntunin at paghahanda para sa isang maayos at ligtas na paggunita sa Undas 2025 sa susunod na linggo partikular na ang mga dadalaw sa mga pampublikong sementeryo tulad ng Manila North at South Cemetery.
Sa abiso ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa isinagawang “Talk to the People” nito sa kanyang social media page nitong Huwebes, ipinahayag nito na ang huling araw ng paglilinis, pagkukumpuni at pagpipintura ng puntod ay hanggang Oktubre 27 lang, araw ng Lunes, habang ang huling araw ng libing ay Oktubre 28, Martes at ipagpapatuloy na sa Nobyembre 3, araw ng Lunes.
Simula naman ng Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, 2025 ay ipagbabawal na ang pagpasok ng lahat ng uri ng sasakyan, kabilang na rito ang motorsiklo, e-bike, e-trike, bisikleta, scooter, at maging ng monocycle.
Upang mapanatili na rin ng kaayusan, kalinisan, at kaligtasan ng publiko, mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng dalawang Kampo Santo ang pagdadala ng baril, matatalim na bagay tulad ng kutsilyo at cutter, lahat ng uri ng nakalalasing na inumin, alagang hayop, gitara, malalakas na sound system, speaker, at anumang bagay na madaling magliyab tulad ng alkohol at thinner.
Bukas ang dalawang sementeryo mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 2, mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi.
Samantala, sinabi ni Domagoso na maaaring gamitin ng publiko ang online na “Puntod Finders” ng ManilaNorthCemetery.ph at ManilaSouthCemetery.com sa paghahanap ng mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Nagtatampok din ang mga digital platform ng tagging system para sa mga bata, senior citizen, at mga taong may kapansanan.
Magkakaroon ng mga emergency responder at iba pang awtoridad sa mga sementeryo ng Maynila upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Pinaalalahanan din ni Domagoso ang publiko na itapon nang maayos ang kanilang basura, iwasan ang pagtitinda sa loob ng mga sementeryo, at manatiling mapagmatyag sa gitna ng maraming tao. JAY Reyes