Home TOP STORIES Mayor Guo nanindigang inosente, suspension order igagalang

Mayor Guo nanindigang inosente, suspension order igagalang

MANILA, Philippines – Nanindigan si Bamban,Tarlac Mayor Alice Guo na wala siyang kaugnayan sa anumang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) operations at ang illegal na operasyon at pagkakasalakay sa Zun Yuan Technology Incorporated ay hindi niya pananagutan.

Aniya pa na dapat tanungin ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ukol sa isyu na siyang nagre-regulate sa mga POGO sa bansa.

Ayon kay Guo, patuloy na nasasangkot ang kanyang pangalan sa kabila ng pagiging inosente, aniya, ang tunay na isyu ay ang pagsalakay sa Zun Yuan Technology Incorporated dahil sa reklamo ng human trafficking at seryosong ilegal na pagkulong at hindi siya.

Sinabi ni Guo na walang kapangyarihan ang Local Government Unit (LGU) sa POGO operations dahil hindi naman ito ang nagbibigay ng license to operate.

Sinabi ng abogado ni Guo na si Atty. Nicole Jamilla na limitado lamang sa administratibong tungkulin ang pananagutan ng LGU dahil pag-isyu ng mga business permit.

Iginiit ni Atty. Jamilla na walang paglabag sa Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act si Mayor Guo base na rin sa naging reklamo sa Office of the Ombudsman.

Ipinaliwanag ni Atty. Jamilla na walang anumang ginawa si Mayor Guo na katumbas ng manifest partiality, evident bad faith o gross inexcusable negligence na syang elemento sa paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices.

“Si Mayor Guo ang biktima dito, siya ay hindi makatarungang nasangkot sa mga isyu na pangunahing naka-ugat sa mga responsibilidad sa regulasyon. Ang kawalan ng mga kinakailangang elemento sa ilalim ng RA 3019, Section 3(e), ay nagpapatunay na ang mga akusasyon ay kulang sa matibay na batayan” pahayag ni Atty. Jamilla.

Samantala, nanindigan si Mayor Guo na inosente siya sa mga paratang laban sa kanya, at aniya ay ikinalulungkot niya  ang suspension order na ipinalabas ng Office of the Ombudsman, subalit aniya na ito ay kanyang rerespetuhin.

“Ako ay nakatanggap ng order of preventive suspension mula sa Ombudsman na may bisa ng anim na buwan. Nirerespeto ko ang prosesong legal at ang desisyon ng Ombudsman. Kasabay nito, nais kong ipahayag na ako ay walang sala at tapat sa aking tungkulin. Sa aking paniniwala, ito ay isang pagkakataon upang malinawan ang mga isyung ibinabato laban sa akin. Ako ay handang makipagtulungan sa mga kinauukulan upang masiguro na ang katotohanan ay lalabas at ang hustisya ay mananaig. Patuloy po akong tutulong sa abot ng aking makakaya para sa kapakanan ng ating bayan ng Bamban,” ayon sa pahayag ni Guo.”

“Ako po ay sumasang-ayon sa proseso ng batas at tinatanggap ang pasya ng Ombudsman. Nais ko rin pong iparating na wala akong kasalanan at tapat akong nagsisilbi sa ating bayan at mamamayan. Naniniwala ako na ito ay pagkakataon upang linawin ang mga paratang laban sa akin. Ako ay handang makipagtulungan sa mga kinauukulan upang masiguro ang katotohanan at hustisya” nakasaad sa statement ni Mayor Guo.

Muli ay nagpasalamat si Mayor Guo sa patuloy na suporta at pagmamahal na natatanggap nito mula sa mga residente ng Bamban, Tarlac.

“Napakalungkot po ng aking nararamdaman dahil na rin sa mga hindi totoo at masasakit na paratang. Parang nauna nang may hatol sa akin bago pa man ako marinig. Ito ay isang paglabag sa aking karapatan bilang isang tao at bilang isang pinunong hinirang ng inyong boto. Gayunpaman, hindi ako susuko at patuloy kong ipagtatanggol ang aking integridad at pagkatao” giit pa nito.

Aminado si Guo na simula pa lamang ng kanyang laban at hindi niya ito susukuan para na rin sa mga residente na naniniwala sa kanya.

“Nandito pa rin ako, handang tumulong para sa lahat ng kabataan ng Bamban, sa lahat ng mga matatanda, kalalakihan, kababaihan maging LGBTQ man, para sa lahat ng inaapi, mahihina, nawawalan ng pag-asa, sa lahat ng mga vulnerable at disadvantaged, sa mga negosyante, guro, mag-aaral, TODA, religious groups, farmers group, mga katutubo, tatay, nanay, ate, kuya, at sa lahat ng mga taga-Bamban. Umpisa pa lamang po ito. Hindi ko kayo iiwan” pagtatapos.pa ni Mayor Guo. RNT