Home HOME BANNER STORY Mayor Kerwin Espinosa sumuko sa NBI sa kasong murder

Mayor Kerwin Espinosa sumuko sa NBI sa kasong murder

227
0

CEBU, Philippines – Sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) Cebu si Albuera, Leyte Mayor Rolan “Kerwin” Espinosa kasama ang dalawa pa niyang co-accused noong Huwebes, Pebrero 5, matapos maglabas ng arrest warrant ang Cebu Regional Trial Court (RTC) Branch 14 kaugnay ng isang kasong murder. Walang inirekomendang piyansa.

Sa isang video message na inilabas noong umaga ng Huwebes, nanawagan si Espinosa sa kanyang mga tagasuporta na ipagdasal ang kanyang kaligtasan. Ayon sa kanya, bandang 10 a.m. inilabas ang warrant of arrest.

“Papunta na ako sa mga alagad ng batas para sumurrender. Hindi na natin paaabutin na i-serve pa nila ang warrant. Ipagdasal na lang ninyo ang aking safety sa aking buhay, ang mga Albueranos, at ‘yung mga taong nagmahal sa ‘kin, pati na ‘yung mga hindi nagmahal. Ipagdasal niyo na lang ang aking pag-surrender na walang mangyaring masama,” ani Espinosa.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Raymund Palad, nasa Cebu na si Espinosa mula pa noong nakaraang araw at handa na talagang sumuko kapag nailabas ang warrant.

“Yesterday, nasa Cebu siya hinihintay niya lumabas yung warrant, gusto na niya sumurrender kahapon pa and then kanina, nalaman ko na nag-surrender na siya sa NBI Cebu at ang latest info ay magmemedical at itu-turnover daw siya sa BJMP.”

Kinumpirma ng NBI Central Visayas na ang dalawa pang suspek sa kaso ay kusang sumuko rin kasabay ni Espinosa.

Sa kabila ng kaso, iginiit ng kampo ni Espinosa na wala siyang kasalanan. Ayon kay Atty. Palad, nakipag-usap umano sila sa pamilya ng nagreklamo sa Leyte na nagtatakang nadawit ang alkalde sa kaso.

“Noong makausap nila ang pamilya noong two weeks ago, mismong sila nagtataka bakit nadadamay si Mayor Espinosa sa murder na yan… yung mismong family ng victim, ay hindi naman daw siya dinedemanda, kaya were hoping na ma-set agad for arraignment yan, and then yung pamilya ng biktima… is that hoping kami na i-uurong nila ang demanda.”

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Atty. Mary Louise B. Reyes, abogado ng Albuera Vice Mayor Mariel Marinay, kapatid ni Espinosa, na hindi muna sila maaaring magbigay ng detalye dahil sub judice na ang kaso. Ayon sa kanya, ang warrant ay may kaugnayan sa isang umano’y insidente sa Baybay City, Leyte na nangyari noong Setyembre 2024.

“Mayor Kerwin voluntarily surrendered to the NBI Cebu earlier this afternoon upon learning of it. This voluntary surrender underscores that he had no intention of evading the law. Mayor Kerwin maintains his innocence and categorically denies the allegations. He will address them through the proper legal process,” ayon kay Reyes.

Naging kontrobersyal na personalidad si Espinosa noong 2016 matapos madawit ang kanyang pamilya sa mga alegasyon ng ilegal na droga. Noong Abril 2025, siya at ang kanyang kapatid na si Mariel Espinosa-Marinay ay nakaligtas sa isang pamamaril habang nangangampanya sa Albuera. Kapwa sila nanalo sa May elections, kung saan si Espinosa ay nahalal bilang alkalde at si Marinay bilang bise alkalde.

Matapos ang pagkakakulong ni Espinosa, si Vice Mayor Marinay ang inaasahang gaganap bilang acting mayor ng Albuera. Si Espinosa ay kasalukuyang nakadetine sa Cebu City Jail habang hinihintay ang kanyang arraignment. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here