Home METRO Mayor Lacuna tinanggap na ang pagkatalo bilang alkalde ng Maynila

Mayor Lacuna tinanggap na ang pagkatalo bilang alkalde ng Maynila

MANILA, Philippines- Naglabas na ng pahayag si Manila Mayor Honey Lacuna hinggil sa pagtanggap nito sa kanyang pagkatalo sa dating alkalde ng lungsod at ngayo’y babalik na Mayor ng Maynila na si Isko Moreno Domagoso.

Sa kanyang opisyal na Facebook account, sinabi ng alkalde na natapos na ang isang yugto ng demokrasya ng halalan kung saan nagkaroon ang mamamayan ng pantay-pantay na kapangyarihang pumili kung sino ang nais na mamuno sa lungsod sa susunod na tatlong taon.

Taos-puso namang pinasalamatan ni Lacuna ang lahat ng aniya ay mga nagtiwala, tumulong, sumama, nakiisa at nakibahagi sa kanyang paninindigan, pati na rin sa mga naglaan ng panahon, sa mga nag-alay ng kanilang lakas, talino at kakayahan sa pagsama sa kanyang kampanya.

Ayon pa kay Mayora, habambuhay niyang ihahandog sa mamamayan ang pagmamahal ng isang ina at kalinga ng isang doktora.

Tinapos niya ang kanyang pahayag sa pamamagitan ng muling pagsasabi na mahal niya ang lahat ng mga kapwa niya Manilenyo. JR Reyes