Home METRO Mayor Tiangco personal na bumisita sa Navotas landfill

Mayor Tiangco personal na bumisita sa Navotas landfill

94
0
Nagsagawa ng inspeksyon si Navotas Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga opisyal ng lungsod, sa Navotas Sanitary Landfill Facility upang alamin ang kalagayan sa lugar at magbigay ng suporta sa fire-fighting efforts ng interagency task force. / JOJO RABULAN

NAVOTAS CITY — Personal na bumisita si Navotas Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga opisyal ng lungsod, sa Navotas Sanitary Landfill Facility (NSLF) upang suriin ang aktwal na sitwasyon sa lugar at tiyakin ang tuloy-tuloy na suporta sa fire-fighting efforts ng interagency task force.

Ayon kay Tiangco, pangunahing prayoridad ng lokal na pamahalaan ang kaligtasan ng mga residente habang nagpapatuloy ang mga hakbang upang makontrol ang sunog at mapanatiling ligtas ang kalidad ng hangin sa lungsod at mga karatig-lugar.

(c) Jojo Rabulan

“Ang kaligtasan ng ating mamamayan ang aming pangunahing prayoridad. Tinitiyak namin na lahat ng hakbang ay ginagawa upang agad na makontrol ang sunog at mapanatiling ligtas ang kalidad ng hangin sa ating lungsod at mga karatig-siyudad,” ani Tiangco.

Bagamat hindi na nag-ooperate ang landfill mula pa noong 2025, sinabi ng alkalde na may mga natitirang residual waste sa lugar na madaling magliyab kapag matindi ang init ng panahon. Naitala rin umano na hindi ganap na naipatupad ng dating private operator ng landfill ang safe closure at rehabilitation plan, na posibleng nakaambag sa insidente.

“At nagkulang nga doon sa pagtatakip ng buhangin dahil maraming gases nga dito at siyempre maraming plastic kaya nagkaroon ng sunog po,” sabi ng alkalde. “Bagaman wala ng residenteng nakatira malapit dito, siyempre apektado ng hangin yung ating lungsod at mga karatig-lungsod at ibang munisipyo na malapit dito.”

Mula pa noong weekend, nagdeploy na ang pamahalaang lungsod ng mga bumbero at emergency personnel upang tutukan at makontrol ang sunog sa saradong tambakan. Binuo rin ni Tiangco ang interagency task force upang matiyak ang maayos na koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga local government unit kaugnay sa pagresponde sa insidente.

Sa kasalukuyan, may mga heavy dump truck nang nakapuwesto sa lugar at inaasahang agad sisimulan ang pagtatambak ng buhangin matapos dumating ang barge na may kargang lupang pantambak. Ayon sa mga opisyal, ang soil cover operations ang itinuturing na mas pangmatagalang solusyon upang tuluyang mapigil ang methane combustion sa sanitary landfill.

Patuloy rin ang misting operations gamit ang fire pumps upang mabawasan ang makapal na usok sa lugar.

Para sa mga susunod na hakbang, sinabi ng lungsod na nakipag-ugnayan na ito sa Department of Public Works and Highways para sa site inspection at pagtukoy sa iba pang engineering interventions na maaaring ipatupad.

Mahigpit ding mino-monitor ang Air Quality Index (AQI), habang pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga kabilang sa sensitibong sektor, na magsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay.

Nasa 49 o “Mabuti” ang AQI nitong tanghali, mas mababa kumpara sa 85 o “Katamtaman” na naitala alas-6 ng umaga. Inaasahan ang susunod na AQI report alas-6 ng gabi. Jojo Rabulan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here