MANILA, Philippines – Nilinaw ng Korte Suprema (SC) na ang pagbabawal sa pagdadala ng armas tuwing eleksyon ay nalalapat lamang sa mga baril at iba pang reguladong armas, ngunit hindi kabilang dito ang mga patalim tulad ng kutsilyo, maliban kung ito ay dinadala sa loob o malapit sa isang voting precinct.
Sa isang Resolusyon na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, ipinagkaloob ng SC Third Division ang motion for reconsideration (MR) sa kaso ng isang lalaking napatunayang nagkasala sa paglabag sa Section 261(p) ng Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code), na inamyendahan ng Section 32 ng Republic Act No. 7166.
Bagamat napatunayang may dalang kutsilyo ang lalaki noong panahon ng eleksyon, walang ebidensyang nagpapakita na siya ay nasa loob o 100 metro mula sa isang voting precinct sa mga araw at oras na sakop ng batas.
Inaresto ang lalaki noong 2018 elections matapos matagpuang may dalang kitchen knife sa labas ng kanyang tirahan nang walang pahintulot mula sa Commission on Elections (Comelec).
Bagamat napatunayan ng Regional Trial Court at Court of Appeals ang kanyang pagkakasala, binawi ng SC ang hatol matapos makita na hindi napatunayan ng prosekusyon ang lahat ng mahahalagang elemento ng kaso.
Nilinaw rin ng SC na sa ilalim ng Section 261(p), ang pagbabawal sa deadly weapons tulad ng kutsilyo ay nalalapat lamang kung ito ay dinadala sa loob o malapit sa isang voting precinct, at sa mga partikular na araw at oras na itinakda para sa mga election-related activities.
Hindi tulad ng mga baril, na ipinagbabawal sa lahat ng pampublikong lugar tuwing eleksyon, ang mga kutsilyo ay sakop lamang ng pagbabawal sa mga lugar na malapit sa botohan.
Dahil walang ebidensya na ang lalaki ay nasa o malapit sa isang voting precinct noong panahong iyon,sinabi ng SC na hindi napatunayan ang kanyang pagkakasala. Jocelyn Tabangcura-Domenden