CEBU CITY — Inaresto ng mga awtoridad ang isang mayoral aspirant at ang umano’y kasabwat nito dahil sa pangingikil umano ng P4 milyon sa alkalde ng Talisay City, south Cebu.
Si Roger Cimafranca, 44, at kandidato sa pagka-alkalde ng Talisay City sa halalan sa susunod na taon, ay hindi nanlaban sa pag-aresto sa isinagawang entrapment operation sa loob ng isang mall sa Barangay Lawaan 2, Talisay City noong Huwebes ng hapon, Nob. 28.
Inaresto rin ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng lokal na pulisya ang kasama ni Cimafranca na si Joselito Dullano, 37.
Si Cimafranca, ang nag-iisang kalaban ni Mayor Gerald Anthony Gullas noong 2025 elections, ay inakusahan ng local chief executive na humihingi ng P4 milyon para bawiin niya ang kanyang kandidatura sa pagka-alkalde at para hindi siya maglabas ng mga isyu na makakasira sa kanyang reputasyon.
Sinabi ni Gullas na agad siyang humingi ng tulong sa CIDG para maaresto ang suspek.
Si Cimafranca, na nagtatrabaho bilang radio blocktimer, ay itinanggi ang mga akusasyon ni Gullas.
Sinabi ng suspek na wala siyang record ng paghingi ng pera.
Sa halip, sinabi ni Cimafranca na ang mga kaalyado ni Gullas ay nag-alok sa kanya ng pera upang bawiin niya ang kanyang kandidatura.
“Hindi ako humingi ng kahit anong halaga. To be honest, wala akong hiningi. Sila ang nag-offer,” aniya sa isang interbyu.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Gullas na binantaan at bina-blackmail siya ni Cimafranca kaya magbibigay siya ng P4 milyon.
Ito ang nagtulak sa CIDG Cebu City Field Unit at Talisay City Police Station na magsagawa ng entrapment operation dakong alas-2:30 ng hapon.
Nagkasundo ang mga suspek at ang mga taong inatasang mag-abot ng pera na magkita sa isang coffee shop sa loob ng isang mall sa Barangay Lawaan 2, Talisay City.
Isang envelope na naglalaman ng P10,000 at P199,000 na boodle money ang iniabot. RNT