MANILA, Philippines – MAYORYA ng mga Filipino ang nagpahayag ng matinding pagkagalit hinggil sa flood control mess at suportado ang imbestigasyon kaugnay nito.
Ito ang lumabas sa resulta ng OCTA Research survey na ipinalabas nitong Martes.
Sa kamakailan lamang na Tugon ng Masa survey na isinagawa mula Setyembre 25 hanggang 30, 60% ng mga respondent ang nakaramdam ng galit kapag naiisip nila ang korapsyon sa gobyerno, partikular sa mga flood control projects. Samantala, 30% ang nagpahayag ng takot o pagkabalisa at 9% naman ang nakaramdam ng pagkadismaya at kalungkutan.
Ang galit ang naitalang pangunahing emosyon sa iba’t ibang rehiyon, socioeconomic class, at age groups.
Makikita rin sa survey na ang matinding galit sa korapsyon sa mga government projects ay pinakaramdam ng mga kabataang Filipino, partikular ng Gen Z at millennials.
Ayon sa OCTA Research, ang malakas na emosyonal na tugon ay “highlights the public’s continued frustration over the misuse of public funds in infrastructure programs and may suggest declining confidence in the integrity of public institutions.”
Dagdag pa nito, ipinahayag ng publiko kapwa ang “moral outrage and deep apprehension” laban sa korapsyon sa mga government projects — hudyat ng “growing demand for accountability, transparency, and decisive government action.”
“Meanwhile, 83% of Filipinos support the decision of President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. to expose corruption, viewing it as a necessary step toward restoring public trust,” ayon sa OCTA Research.
Tanging 3% lamang ng mga respondent ang hindi sumasang-ayon, habang 13% naman ang nananatiling undecided.
Ang pinakamataas na porsyento ng suporta ay mula sa National Capital Region (91%), sinundan ng Balance Luzon (90%).
“These results indicate a strong reservoir of public goodwill and trust for the President’s decision to confront corruption head-on. The findings suggest that sustained transparency and follow-through on reforms could further strengthen public confidence in government integrity and leadership,” ayon pa sa OCTA Research.
Samantala, isa sa bawat dalawang respondent o 46% ang nagpahayag na ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang “most suitable” para manguna sa imbestigasyon.
Pumangalawa sa ranggo ang Senado (23%), habang nasa ikatlong puwesto naman ang Mababang Kapulungan ng Kongreso (13%).
“This finding reflects a strong public preference for a credible, impartial, and nonpolitical inquiry into corruption allegations… The strong support for an external, integrity-based commission underscores the public’s skepticism toward political institutions and highlights the need for new, transparent mechanisms of accountability that can restore public confidence in the government’s anti-corruption efforts,” dagdag ng OCTA Research.
Ayon sa survey, ang top five results na nais makita ng mga Pinoy ay ang mga sumusunod:
-Papanagutin ang mga kurakot na opisyal at kontratista (68%)
-Pagbawi sa mga nawala o maling nagamit na public funds (58%)
-Pagpapakulong sa mga mapatutunayang guilty (58%)
-Tiyakin ang episyenteng implementasyon ng de-kalidad na flood control projects (41%)
-Pagpapalakas sa transparency at monitoring ng government infrastructure projects (34%)
Dagdag pa ng OCTA, “Filipinos also expect concrete reforms, including the efficient implementation of quality flood control projects and enhanced transparency and monitoring systems to prevent future misuse of funds.”
“Taken together, these findings reveal a clear and uncompromising public mandate: Filipinos demand not only the exposure of wrongdoing but also decisive action, justice, and long-term reform to safeguard the integrity of public institutions and infrastructure programs,” ayon pa sa OCTA Research.
Ang datos para sa Tugon ng Masa survey ay kinalap sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Filipino na may edad 18 pataas.
Ang survey ay may ±3% margin of error sa 95% confidence level.
Sa kabila nito, nanawagan naman ang Malakanyang sa publiko na kumalma at huwag mainip.
Ito ang tugon ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa lumabas na resulta ng OCTA Research survey na nagsasabing mayorya ng mga Filipino ang nagpahayag ng matinding pagkagalit hinggil sa flood control mess at suportado ang imbestigasyon kaugnay nito.
“Kalma lang muli. Hindi po kasi ito nadadaan sa agad-agaran. Siguro bilang lawyer na ako ay mismong humahawak ng mga kaso at ako po ay humaharap mismo sa korte kaya alam ko po kung paano ba magprisinta ng isang ebidensiya,” ani Castro.
Sinabi pa niya na hindi ito dapat madaliin. “Kung ito naman po ay mapapabilis, napakaganda aniya ng numero, maraming nasampa sa korte pero kalaunan ay na-dismiss naman lahat,” paliwanag ni Castro.
“Ano po ba ang mas hindi ninyo tatanggapin? Nakapagsampa ng maraming kaso pero na-dismiss po lahat dahil hindi hinog at kulang ang ebidensiya. Hayaan po natin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na bumuo ng kanilang imbestigasyon at kumpletuhin ang dokumento. Ang pangako naman po nila, after a week or rather week four, ay makakapagsampa na sila ng mga kaso o makakapagrekomenda ng pagsasampa ng kaso,” dagdag pa ng opisyal.
Kaya ang pakiusap ni Castro sa publiko ay hayaang makapag-ipon ng mga dokumento at ebidensya ang ICI para maging mas matibay ang mga kasong isasampa.