Home HOME BANNER STORY Mayorya ng mga Pinoy kontento sa joint patrols sa WPS – sarbey

Mayorya ng mga Pinoy kontento sa joint patrols sa WPS – sarbey

127
0

ILOCOS NORTE- Inihayag ng mayorya ng mga Pilipino ang paniniwalang sapat ang mga aksyon ng administrasyon sa pagtugon sa mga isyu sa West Philippine Sea (WPS), batay sa resulta ng isang survey nitong Huwebes.

Ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey na kinomisyon ng Stratbase, 60% ng mga Pilipino ang naniniwalang sapat ang mga aksyon ng gobyerno sa pagsasagawa ng joint patrols at military exercises kasama ang mga kaalyadong bansa.

Lumabas din sa parehong survey na 72% ang nagsabing dapat bumuo ng alyansa ang pamahalaan ng Pilipinas sa ibang bansa pagdating sa pagdepensa sa teritoryo nito.

Matatandaang nagsagawa ang Pilipinas ng ilang joint patrols sa West Philippine Sea kasama ang mga sundalo ng United States, Australia, Japan, at France sa gitna ng agresibong aksyon ng pwersang Chinese sa rehiyon.

Sa kasalukuyan, pinag-aaralan ng Philippine Navy ang posibilidad ng pagsasagawa ng rotation and reprovision (RORE) mission sa Ayungin Shoal bilang bahagi ng Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) kasama ang mga kaalyadong bansa.

Maaaring maging bahagi ang resupply mission ng multilateral exercise kasama ang ilang bansa. Kapag naganap ito, maaaring magsagawa ang mga barko at aircraft mula sa ibang bansa tulad ng US, Japan, UK at Australia ng simultaneous patrols kasama ang pwersang Pilipino sa South China Sea. 

Patuloy ang tensyon sa gitna ng pag-angkin ng China sa malaking bahagi ng South China Sea kabilang ang bahagi ng tinutukoy ng Pilipinas na West Philippine Sea. 

Hindi kinikilala ng Beijing ang arbitral ruling na bumabasura sa pag-angkin nito sa rehiyon habang patuloy pa rin ang karahasan nito sa West Philippine Sea. 

Isinagawa ang survey noong Hunyo 23 hanggang Hulyo 1, 2024, nilahukan ng 1,500 respondents sa buong bansa. Ang survey ay amy sampling error margins na ±2.5%. RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here