MANILA, Philippines — Karamihan sa mga Pilipino ang naniniwalang hindi sapat ang ginagawa ng administrasyong Marcos upang pigilan ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na itinaguyod ng Stratbase Consultancy.
Ayon sa resulta, 58% ng mga sumagot ang nagsabing “talagang kulang” o “medyo kulang” ang aksyon ng gobyerno laban sa inflation, habang 16% lamang ang nagsabing sapat ito.
Samantala, 19% ang nanatiling neutral, at 7% ang nagsabing wala silang sapat na kaalaman upang magbigay ng opinyon.
Ang Stratbase-SWS January 2025 Pre-Election Survey ay isinagawa mula Enero 17-20, 2025, gamit ang face-to-face interviews sa 1,800 rehistradong botante sa buong bansa. Lumabas sa datos na pinakamataas ang dissatisfaction sa Mindanao (65%), kasunod ang Metro Manila (60%), Balance Luzon (56%), at Visayas (54%).
Ayon kay Stratbase president Dindo Manhit, bagaman iniulat ng gobyerno na nasa 2.9% lamang ang inflation noong Enero 2025, nananatili ang negatibong pananaw ng publiko. Hinimok niya ang administrasyon na paigtingin ang kanilang mga hakbang upang maibalik ang tiwala ng taumbayan.
Sa parehong survey, 59% ng mga sumagot ang nagsabing ang pinakamalaking pagtaas ng presyo mula Oktubre hanggang Disyembre 2024 ay sa bigas, sinundan ng karne ng baka, baboy, at manok (29%), gulay (11%), at lamang-dagat (4%). RNT