Home ENTERTAINMENT McCoy, bumawi sa pagiging bad boy!

McCoy, bumawi sa pagiging bad boy!

Manila, Philippines- Sabi ng isang netizen na si Krisela Papong, sobrang sama ng role ang ginagampanan ni McCoy de Leon bilang si David sa seryeng Batang Quiapo.

Si David ang karakter na kinamumuhian ng mga viewers dahil kaya niyang patayin ang mga mahal sa buhay masunod lamang ang luho.

Subalit huwag naman daw husgahan si McCoy dahil may inilulutong proyekto para sa kanya, isang pelikula kung saan siya’y gaganap bilang pari, si Father Rhoel, ang Claretian priest na pinatay ng mga miyembro ng Abu Sayyaf noong Mayo 3, 2000.

“Pambawi” ang salitang ginamit ni McCoy sa pagsasalarawan niya sa karakter ng martyred priest na si Father Rhoel Gallardo na kanyang ginampanan sa pelikulang In Thy Name.

Hanggang sa huling hininga, hindi tinalikuran ni Father Rhoel ang kanyang pananampalataya at katapatan sa simbahang Katoliko.

Sinabi ni McCoy na “pambawi” ang pagganap nito bilang Fr. Rhoel sa karakter ni David sa FPJ’s Batang Quiapo.

Kuwento ng Kapamilya actor, “To be honest, totoo namang pambawi rin sa mga hindi nakakakilala sa akin personally.

“Pero masasabi ko rin na pambawi sa mismong life ko ngayon, kasi two years na ako sa Batang Quiapo. Talagang mai-imbibe mo yung karakter.

“Kaya nung dumating itong In Thy Name, na-balance din kung paano ako tumanaw sa magandang buhay ulit.”

Nagpapasalamat si McCoy dahil ipinagkatiwala sa kanya ang pangunahing karakter sa In Thy Name.

“Siyempre, kapag gumawa ka ng karakter, minsan isasapuso mo talaga sa pinakaloob mo at ikakarakter mo sa buhay mo.

“Kaya nakatulong din sa akin na ma-balance kung ano ang meron sa nararamdaman ko…” pahayag ng McCoy. Ador Saluta