Home NATIONWIDE Media monitoring centers itatayo ng PTFoMS sa Cotabato, Marawi para sa BARMM...

Media monitoring centers itatayo ng PTFoMS sa Cotabato, Marawi para sa BARMM polls

1
0

MANILA, Philippines — Magtatatag ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ng media monitoring centers sa Cotabato City at Marawi City upang bantayan ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamahayag na magkocover sa kauna-unahang Bangsamoro parliamentary elections sa Setyembre 14.

Ayon kay PTFoMS Executive Director Undersecretary Jose Torres Jr., iniutos ni Executive Secretary Ralph Recto ang pagtatayo ng mga monitoring center bilang bahagi ng paghahanda para sa seguridad ng media sa halalan.

Binigyang-diin din ni Recto ang mahalagang papel ng media sa pagsusulong ng ligtas, mapayapa at kapani-paniwalang halalan, kasabay ng pagtitiyak ng pamahalaan na poprotektahan ang mga journalist at media worker na gagampan ng kanilang tungkulin sa BARMM polls.

Kasabay nito, nagsasagawa ang PTFoMS at mga katuwang nitong ahensya ng media safety training at orientation para sa mga mamamahayag na magkocover ng halalan. Isang tatlong araw na pagsasanay ang sinimulan noong Agosto 19 sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City.

Kabilang sa mga katuwang sa programa ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) at Armed Forces of the Philippines, kasama ang iba pang organisasyong nakatuon sa paghahanda ng media para sa Bangsamoro elections.

Nakatakda sa Setyembre 14, 2026 ang unang regular Bangsamoro parliamentary elections, ayon sa Commission on Elections. Saklaw din ng kasalukuyang election period ang gun ban na ipinatutupad mula Hulyo 16.

Layunin ng mga hakbang na magkaroon ng mabilis na koordinasyon at tugon sakaling may banta o insidenteng makaaapekto sa mga mamamahayag habang ginagampanan nila ang kanilang trabaho sa panahon ng halalan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here