Home NATIONWIDE Medical caravan ni Tol sa Cavite, umarangkada na!

Medical caravan ni Tol sa Cavite, umarangkada na!

220
0
Sinimulan ni Sen. Francis Tolentino ang kanyang medical caravan sa lalawigan ng Cavite upang maghatid ng libreng serbisyong medikal. Limang bayan sa Cavite ang napagkalooban ng libreng wheelchairs, pustiso, salamin, at mga gamot. Pinasalamatan ni Tol ang mainit na pagtanggap sa kanya sa Cavite City, Rosario, Noveleta, Kawit, at Bacoor City!

MANILA, Philippines- Umarangkada na ang medical caravan sa Cavite ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na may layuning maghatid ng serbisyong medikal sa 23 local government units (LGUs) ng lalawigan.

Bitbit ang temang, ‘Empowering Lives, Distributing Hope: Provision of assistive devices to the community,’ tumungo ang medical caravan sa limang lokalidad nitong Miyekules – kabilang ang Cavite City, Rosario, Noveleta, Kawit, at Bacoor City.

Namahagi ang Team Tol ng ‘assistive devices’ kabilang ang wheelchairs, kapwa sa mga bata at matatanda, prescription eyeglasses o salamin sa mata, at maging ng dentures o pustiso. Naghatid din ang grupo ng mga bitamina at naka-resetang gamot.

Nasa 300 na mga pasyente at benepisyaryo ang napaglingkuran ng Team Tol sa bawat lokalidad, kabilang na ang mga bata at nakatatanda.

Sumalubong ang mga lokal na opisyal ng bawat LGU sa senador, na sinamahan ng dalawang anak nito na sina Tagaytay City Councilor Francis Michael Tolentino at Patrick Andrei Tolentino.

Sa kanyang talumpati, idiniin ni Tolentino na kailangan ng suporta ng mga lokal na pamahalaan mula sa mga pambansang lider at ahensya, tulad ng Kagawaran ng Kalusugan, para makatugon sa pangangailangang medikal at pangkalusugan ng taumbayan.

“Hindi pangkaraniwan ang pamimigay ng mga salamin at pustiso sa medical missions tulad nito, dahil bukod sa may kamahalan, ay kailangan ding dumaan sa pagsusuri o checkup ang mga paglalaanan nito,” paliwanag ni Tolentino.

Gayunpaman, naobserbahan umano ng senador na kasama ang naturang devices sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan sa kanyang pag-ikot sa iba’t ibang komunidad.

Sa bayan ng Noveleta, inihayag ni Tolentino ang balak nyang magkaloob ng malalaking bangka para sa mga kooperatiba ng mangingisda. “Ang gusto ko sanang ipagkaloob ay ‘di lamang panandaliang tulong, kundi iyong pangmatagalan, gaya ng mga gamit pangkabuhayan,” paliwanag nya.

Magugunita na noong isang linggo ay namahagi ang senador ng sampung 32-meter fiberglass reinforced plastic boats (FRPB) sa mga mamalakaya sa bayan ng Sta. Cruz, Zambales.

Sumunod na nagtungo ang medical caravan ni Tolentino sa mga bayan ng Indang, Alfonso, Maragondon, at Naic ngayong Huwebes. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here