MANILA, Philippines- Nakuhanan ng video ang pagdakma sa isang folder na naglalaman ng Certificate of Candidacy (COC) sa Himamaylan City, sa lalawigan ng Negros Occidental nitong Oktubre 8, 2024.
Makikita sa nasabing video na nasa Comelec Himamaylan City na ang aspirant na kinilalang si Engr. Vicente Genova, upang maghain ng kanyang COC para sa mayor nang agawin ng isang lalaki ang folder.
Kasama ni Genova ang kanyang mga taga-suporta nang maganap ang insidente
Suot ng nasabing snatcher ang itim na damit at sumbrero, subalit nakatakip ang mukha nito.
“Pumasok ako sa gate ng Comelec compound. May bigla na lang umagaw sa aking hinahawakang green folder. Sa gulat ko, in-attempt ko siyang sunggaban,” paglalahad ni Genova.
Naganap ang insidente lampas alas-9 ng umaga.
Tinangka pang makigulo ng kasama ng suspek subalit hindi nakuha ang folder, saka sila umalis sa lugar.
Itinuloy ni Genova ang paghahain ng kanyang COC.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan na ng mga pulis at ng Comelec ang insidente.
“It was reported to me nang umaga ng election officer. I told him to conduct an investigation. Na-submit na namin sa regional office. They can always file a complaint,” pahayag ni Atty. Ian Lee Ananoria, provincial election supervisor ng Comelec Negros Occidental.
“Ini-report sa atin. Imbestigahan natin. Tinitingnan nga natin kung ano pa yung mga possible motive. May coordination with Comelec,” ayon naman kay Negros Occidental Police Provincial Office Director, Police Colonel Rainerio de Chavez.
Bukod sa insidente ng Himamaylan City, wala nang untoward incidents na na-monitor sa lalawigan, base sa Comelec. RNT/SA