MANILA, Philippines- Minamadali na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang repatriation ng mahigit 150 Filipino sa Beirut, Lebanon sa gitna ng krisis sa Middle East.
Sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia na kabuuang 152 Pilipino sa apat na Migrant shelters sa Beirut ang handa para sa evacuation at repatriation.
Noong Miyerkules, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng kaukulang government agencies na pakilusin ang lahat ng available assets upang masiguro ang kaligtasan at napapanahong repatriation ng mga Pilipino.
Kasalukuyan pa ring nasa alert level 3 sa Lebanon na nangangahulogan na ang mga Pilipino ay maaring magpasyang boluntaryong umuwi. Sa ilalim ng alert level 4, ipananawagan ng gobyerno ng Pilipinas ang mandatory repatriation ng mga Pilipino.
Samantala, sinabi ni Olalia na ang gobyerno ay magbibigay din ng tulong sa mga pamilya ng mga Pilipino sa Lebanon.
Nauna nang sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na magbibigay ang gobyerno ng P150,000 financial assistance sa mga Pilipino na mapauuwi.
Ayon kay Olalia, ito ay hiwalay sa whole-government assistance na ibibigay ng ibang ahensya. Jocelyn Tabangcura-Domenden