Home HOME BANNER STORY Medical record ni Zaldy Co “outdated” – Gatchalian

Medical record ni Zaldy Co “outdated” – Gatchalian

303
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na ang mga medical record na ibinigay ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co sa Senate blue ribbon committee bilang bahagi ng kanyang dahilan para sa kanyang pagliban sa pagdinig sa flood control nitong Biyernes ay “outdated”.

Sa isinasagawang pagdinig, gumawa ng conditional motion si Gatchalian para maglabas ng subpoena ang komite laban kay Co. Ang mosyon, ani ng senador, ay nakadepende kung magkakaroon pa ng kasunod na pagdinig ang komite hinggil sa kontrobersiya.

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, chairman ng blue ribbon committee, na kabilang si Co sa mga personalidad na inimbitahang dumalo sa pagdinig sa Nobyembre 14. Si Co, gayunpaman, ay hindi nagpakita dahil siya ay nasa ibang bansa pa rin dahil sa mga kadahilanang medikal, ayon sa kanyang abogado na si Ruy Alberto Rondain.

“Dito sa kanyang excuse letter, meron siyang medical records na sinasabi niya na hindi siya makakadalo dahil meron siyang karamdman. Pero nung tinignan ko itong pinadala niyang medical records, unang una po, this is dated January 23, 2025, so outdated na ho ‘to,” ayon kay Gatchalian.

“Pangalawa, I consulted our Senate doctor at unang sabi niya rin sa akin o sa team namin, outdated na rin ho itong medical records. Based sa kanyang analysis, wala ho ditong nakasulat na karamdaman na nagsasabi na hindi siya pwede hong dumating dito,” dagdag niya.

Ipinunto pa ni Gatchalian na nakatala sa medical records ni Co na “discharged” na ang dating kongresista at hindi naka-confine sa ospital.

Sinabi rin niya na ipinakita ni Co ang mga dokumento ng kanyang mga appointment sa Massachusetts General Hospital na may petsang Setyembre 22, 2025.

“Almost two months na ang nakaraan. So in order words, Mr. Chairman, hindi ho katanggap-tanggap itong excuse letter ni Mr. Zaldy Co at hindi ito, para sa akin, katanggap-tanggap na gamitin na hindi siya pwedeng dumalo dito sa ating pagdinig,” saad ni Gatchalian.

Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat mapilitan si Co na dumalo kung sakaling magdaos ng panibagong pagdinig ang blue ribbon committee.

Kung tatanggi pa rin siya, sinabi ng senadora na dapat nang maglabas ng contempt order laban sa dating kongresista.

“Same treatment, ganon din ang gagawin natin sa mga inimbita natin na hindi dumalo. Susunod, padadalhan natin sila ng subpoena,” ayon kay Lacson.

Kasama si Co sa mga sangkot sa gulo sa flood control, ngunit paulit-ulit niyang itinanggi ang mga paratang laban sa kanya.

Sa isang video na inilabas ng kanyang kampo sa mga mamamahayag nitong Biyernes, inakusahan ni Co si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr at ang kanyang pinsan na si dating Speaker Martin Romualdez, at ilang miyembro ng Gabinete ng pag-oorkestra sa umano’y “insertions” na nagkakahalaga ng P100 bilyon sa pambansang badyet. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here