Home NATIONWIDE Metal detectors, CCTV inilagay sa mga paaralan sa Bicol

Metal detectors, CCTV inilagay sa mga paaralan sa Bicol

1
0

MANILA, Philippines – Pinalalakas ng mga local government unit (LGU) sa Bicol Region ang seguridad sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng karagdagang security equipment, emergency communication systems at skills training para sa mga estudyante at community responders.

Ayon kay Sto. Domingo, Albay Mayor Nomar Banda, plano nilang dagdagan ang mga closed-circuit television (CCTV) cameras sa mga paaralan at maglagay ng centralized public address system para sa mabilis na pagbibigay ng emergency alerts.

Makikipag-ugnayan din umano ang LGU sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office upang pag-aralan ang sistema at posibilidad na maiugnay ito sa Philippine National Police para sa mas maayos na koordinasyon sa oras ng emergency.

Plano rin nilang magsagawa ng martial arts at self-defense training tuwing summer para sa mga estudyante, magulang at barangay tanod.

Samantala, bago pa maaprubahan ang budget para sa walk-through metal detectors, nag-donate na si Banda ng isang unit sa Sto. Domingo National High School. Plano rin niyang magbigay ng isa pang unit sa San Fernando National High School ngayong buwan.

Sinabi ni Banda na makatutulong ang mga metal detector upang masuri ang mga pumapasok sa school premises.

Sa San Fernando National High School, sinabi ni Principal Serapion Gongona Jr. na obligado ang lahat ng estudyante na magdala ng identification card (ID) at gumagamit din ang paaralan ng metal detector na binili nito.

“Those without an ID are not allowed to enter,” ani Gongona.

Mahigpit ding ipinagbabawal sa paaralan ang pagdadala ng matutulis na bagay at baril. Ayon kay Gongona, maaaring magmula ang security threats hindi lamang sa labas ng paaralan kundi maging sa mismong student community. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here