Home NATIONWIDE Suporta sa 5-year term sa Barangay, SK officials, dumarami sa Senado –...

Suporta sa 5-year term sa Barangay, SK officials, dumarami sa Senado – Hontiveros

1
0
larawan ni Cesar Morales

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senadora Risa Hontiveros nitong Miyerkules na dumadami ang nakukuhang suporta sa Senado para sa panukalang gawing limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan o (SK).

Sa panayam pagkatapos ng pulong ng Liga ng mga Barangay Inter-Province Congress sa Calamba City, Laguna, sinabi ni Hontiveros na nagsimula na ang interpellations sa panukalang batas na isinulong ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.

“At mukhang tulad ng nangyari sa House, doon po sa isyu ng pagseset ng term na limang taon – kalahating dekada, mukhang malamang, madaling magkakaisa dun,” ani Hontiveros.

Nauna nang inaprubahan ng House of Representatives nitong Martes sa ikatlo at huling pagbasa ang kanilang bersyon ng panukala.

Ayon kay Hontiveros, ang hindi pa nalilinaw ngayon ay kung matutuloy ba ang barangay at SK elections sa Nobyembre o muli itong ipagpapaliban.

Ginawa ni Hontiveros ang pahayag sa harap ng mga opisyal ng barangay at SK mula sa Laguna, Quezon, at Rizal, na aniya ay ang “closest face of government” sa mga komunidad.

Nagpasalamat siya sa mga opisyal ng nayon at kabataan para sa kanilang serbisyo at hinikayat silang ipagpatuloy ang pagbubuklod sa kanilang mga nasasakupan para sa mas mahusay na local governance.

“Sana po, patuloy po natin ang pagsusumikap na mas lalong pagkaisahin ang ating mga kababayan mula sa barangay lalo na po sa mga SK,” dagdag niya.

Binanggit din ni Hontiveros ang kaugnayan ng Calamba City kay pambansang bayani Jose Rizal, at ipinaalala sa mga SK official na ang mga kabataang lider ay nananatiling isa sa mga pinagmumulan ng pag-asa ng bansa.

Aniya, malaki ang ginagampanang papel ng mga grassroots leader para maging mas tumutugon ang pamahalaan, lalo na sa paglapit ng serbisyo publiko sa mga ordinaryong Pilipino. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here