Home METRO Metro mall hours adjustment tatalakayin ng MMC

Metro mall hours adjustment tatalakayin ng MMC

MANILA, Philippines- Kasunod ng adjustment ng work hours sa mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) upang ibsan ang trapiko at makaiwas ang mga manggagawa mula sa matinding init, sinabi ni San Juan City Mayor and Metro Manila Council (MMC) President Francis Zamora na bubusisiin ng konseho ang adjustment ng mall hours sa NCR bilang isa pang pamamaraan ng pagresolba sa traffic situation sa metro.

“I will relay it to the body. These are the things we can discuss,” pahayag ni Zamora sa isang radio interview, at sinabing ang adjustment ng mall hours ay nakabubuti tuwing Kapaskuhan.

“Yung mall hours na hindi lang dapat talaga sila sumasabay sa rush hour, kumbaga maging standard operating hours ng malls, imumungkahi ko ho yan pag nag-usap ulit kami ng aming Metro Manila Council,” wika ni Zamora.

Noong May 2, sinimulan ng 16 lungsod at isang munisipalidad sa Metro Manila ang implementasyon ng adjusted working hours na alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Ayon kay Zamora, mayroong mahigit 100,000 LGU employees na papasok sa kanilang trabaho nang mas maaga ng isang oras kumpara sa regular commuters at mga motorista tuwing rush hour.

“Yung 112,000 na mga taong ito ay hindi sasabay sa rush hour araw araw. Isipin nyo kung gaano kadaming tao at sasakyan yan na iiwas na sumabay sa ibang mga sasakyan tuwing rush hour,” paliwanag niya.

Sa kabila ng bagong schedule, binanggit ng alkalde na may kalayaan pa rin ang mga LGU na magpatupad ng sarili nitong flexible time schedules. RNT/SA