Home OPINION METRO MANILA AT MGA KARATIG LUGAR GAANO KAHANDA SA MAGNITUDE7.2?

METRO MANILA AT MGA KARATIG LUGAR GAANO KAHANDA SA MAGNITUDE7.2?

315
0

NIYANIG kamakailan ng magkasunod na lindol ang bansa — ang magnitude 7.4 sa Davao Oriental at magnitude 6.9 sa Bogo, Cebu. Ayon sa PHIVOLCS, ang lindol sa Davao ay nagmula sa Philippine Trench, habang Bogo Bay Fault-isang aktibong fault line naman ang dahilan ng pagyanig sa Cebu. Bagama’t magkalayo ang lokasyon, dapat nating maintindihan na ang Pilipinas ay nakapuwesto sa Pacific Ring of Fire, kaya hindi maiiwasan ang anomang pagyanig ng lupa. Isang paalala at babala na tanging kalikasan lamang ang may kontrol.

Ang mga pangyayaring ito ay nagpapaalala sa kahalagahan ng kahandaan sa lindol. Dapat pagpraktisan at seryosohin ang pagsasagawa ng “drop, cover, and hold” method kung sakaling makaramdam ng pagyanig at nasa loob ka ng kabahayan o opisina. Nararapat ding alamin ang mga ligtas na lugar sa ating tahanan, paaralan, at trabaho gayundin ang pagkakaroon ng ‘Go Bag ‘na naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan. Kinakailangan din ng mas aktibong programa at masusing koordinasyon ang lokal na pamahalaan sa nasyunal upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan.

Sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan, nananatiling banta ang West Valley Fault, na ayon sa PHIVOLCS ay maaaring magdulot ng lindol na magnitude 7.2 at posibleng magpabagsak ng libu-libong gusali at magdulot ng malaking pinsala. Hindi na dapat magpatumpik-tumpik at kailangang doblehin o triplehin ang pagbibigay-pansin sa paghahanda at resiliency planning sa Kamaynilaan at karatig na mga lugar.

Noon pang panahon ng pandemya, nabuo namin ni kumpareng Jaimar Quevedo ang ideya ng pagkakaroon ng Task Force for Emergency High-Rise Bunkers — mga matibay na istrukturang maaaring takbuhan ng mga survivor sa panahon ng sakuna. Strategic dapat ang location nito malayo sa pagguho at impact kung sakaling gumalaw ang anomang fault line. Dapat itong may sariling generator, suplay ng pagkain at tubig para sa dalawang linggo, preparado rin ang mga tulong at komunikasyon mula sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan.

Para sa mga nakatira sa Kamaynilaan at karatig-lugar, nakahanda na ba ang lahat sa magnitude 7.2?

Seryoso ang banta ng kalikasan kaya nararapat lamang na ang kahandaan ay hindi lamang dapat idaan sa salita. Naipakikita ito sa pamamagitan ng klaro at konkretong hakbangin tungo sa kaligtasan at katatagan ng sambayanang Pilipino. “Nasa Diyos ang awa, pero nasa atin ang bawat kilos at gawa.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here