IBINALITA ng ‘mainstream media’ ang naging komentaryo ni Metro Pacific at Philippine Long Distance Telephone chairman, Manny ‘MVP’ Pangilinan sa pagpupulong ng ‘FINEX’ (Financial Executives Institute of the Philippines) noong Biyernes na madamay ang kredibilidad ng bansa at tiwala ng mga negosyante dahil sa isyu ng talamak na korapsyon sa pamahalaan.
“Posible” aniya ito lalo pa nga at makikitang hindi sapat ang ginagawang aksyon ng gobyerno para masagot ang problema.
Para naman sa ilang miron sa ‘telecom sector,’ “mas mainam” daw kung ‘do the talk’ at hindi “katsang” lang ang gawin ni MVP para makumbinsi ang publiko na kahit silang mga oligarko ay “nandidiri” sa korapsyon.
May nakapagbulong kasi sa atin na may kinuhang dating ‘undersecretary’ sa Department Information and Communications Technology ang PLDT bilang ‘consultant’ na ang estilo naman anila ay “maglako” ng proyekto ng DICT sa kanyang kompanya na may kinalaman sa ‘cyber security.’
“Kasabwat” umano ng nasabing consultant ang isang executive director (ED) sa isang tanggapan sa DICT na sa totoo lang, walang mandato upang maging ‘salesman’ ng nasabing ahensya!
Sinasabing isa sa mga dahilan kaya sinipa ng Palasyo palabas ng DICT itong ex-undersecretary (na PLDT consultant ngayon) ay dahil naging “kasabwat” umano nitong si Mr. ED sa manipulasyon naman ng ‘National Broadband’ at ‘Free WiFi Project/Free Internet for All Project’ ng gobyerno!
Bago sumambulat sa kanyang mukha ang kwestyunableng transaksyon, maganda sigurong paimbestigahan na ito ni MVP, tama ba, ES Lucas Bersamin, Sir?
At siyempre, dapat “silipin” ni DICT Secretary Henry Aguda kung ano ang talagang inaatupag ng kanyang mga tauhan.
Hindi dapat payagan ni Secretary Aguda na ilang mga kaduda-dudang indibidwal ang sisira sa kanyang magandang reputasyon at pangalan.
Abangan!






